Vice, masayang dumalo sa Philippines-Japan Film Festival 2026
Natutuwa si Vice Ganda sa mainit na pagtanggap sa Japan para sa kanyang mga pelikulang “And The Breadwinner Is…” at “Call Me Mother” na kabilang sa Philippines-Japan Film Festival 2026.
Personal na dumalo si Vice sa ginanap na screenings sa Tokyo kasama ang direktor na si Jun Robles Lana. Sold out ang dalawang araw ng screenings para sa “Call Me Mother,” na nagsilbi ring opening film ng naturang film festival.
Ayon sa Unkabogable Star, masaya siyang makita na tumagos sa puso ng parehong Pilipino at Hapon ang kanyang mga pelikula.
“It was a wonderful experience. ‘Yung tawa nila at ‘yung iyak nila sa dulo ay ganun din ‘yung nakita at naramdaman ko dito. Nakakatuwa kasi ibig sabihin nasapul namin ‘yung goal namin,” saad ni Vice sa isang interview pagkatapos ng screenings.
Masaya rin ang puso ni Direk Jun dahil ibinahagi daw sa kanya ng isang tatay na Hapon kung gaano siya naantig sa kwento ng “Call Me Mother.”
“Nakakatawa at nakakagulat na nag-share sila ng personal stories. We want to tell stories that resonate with the Filipino audience and now, also globally. I think Filipino stories are ultimately very universal,” sabi niya.
Tungkol ang “And The Breadwinner Is…” sa pamemeke ng sariling pagkamatay ng OFW breadwinner na si Bambi (Vice) bilang sakripisyo upang tulungan ang pamilya na lubog sa utang. Ang “Call Me Mother” ay kwento ng queer mother na si Twinkle (Vice), kung saan masusubok ang relasyon niya sa kanyang ampon nang pumasok sa buhay nila ang totoong nanay ng bata upang makuha ang kustodiya ng kanyang anak.
Ang Philippines-Japan Film Festival 2026 ay ang unang pagkakataon na lumahok si Vice sa isang international film festival. Inilunsad ito ngayong taon bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 Philippines–Japan Friendship Year, na naglalayong itampok ang ugnayang pangkultura sa pagitan ng dalawang bansa.


