Star-studded MV tampok ang special cameos nina Charo, Richard, Gerald, atbp.
Magpapakilig ang BINI sa kanilang back-to-back singles na “Unang Kilig” at “Honey Honey.”
Tuloy-tuloy ang pag-arangkada ng BINI dahil sunod-sunod ang bagong musika na hatid nila. Mula sa komposisyon at produksyon ni Jeremy G ang “Unang Kilig” na tungkol sa sayang dala ng namumuong pag-ibig.
Makulay at charming ang pagganap ng members bilang aspiring actresses kung saan sumailalim sa audition process sa ilalim nina Charo Santos, Cathy Garcia-Sampana, Olivia Lamasan, at Ogie Diaz. Nakasama rin nila sa bagong labas na music video na napapanood na sa BINI Official YouTube ang Kapamilya actors na sina Vhong Navarro, Richard Gutierrez, at Gerald Anderson.
Noong nakaraang buwan, pinangunahan din ng BINI ang Valentine’s Kiligan Fest kung saan ipinarinig nila ang “Unang Kilig” sa higit sa 14,000 fans na nakisaya sa Robinson’s Place Manila.
Samantala, inilabas din nila ang “Honey Honey” bilang surpesa sa BLOOMs. Umiikot ito sa tamis ng pag-ibig at pagpapahalaga sa bawat oras kasama ang taong mahal. Isinulat at iprinodyus ang “Honey Honey” nina Jacob Munk at Pontus “Oneye” Kalm na nakatrabaho ang international artists na sina Miley Cyrus, Liam Gallagher, at BTS. Naging bahagi rin nito ang Grammy-winning songwriters na sina Greg Shilling, Melanie Fontana, at Star Music artist na si Khimo Gumatay.
Maraming surpresa pa ang dapat abangan mula sa BINI na nakatakdang maging bahagi ng Coachella ngayong Abril kung saan makakasama nila sa lineup ang iba’t ibang global artists tulad nina Sabrina Carpenter, Justin Bieber, at Karol G.
Napapakinggan na ang “Unang Kilig” at “Honey Honey” ng BINI sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa updates, sundan ang BINI sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube, o bisitahin ang bini.abs-cbn.com.


