News Releases

English | Tagalog

"Blood vs Duty," aarangkada na sa 8PM primetime slot ng ABS-CBN

March 28, 2026 AT 12:05 PM

Unang mapapanood sa Netflix simula Abril 3, sa iWant simula Abril 4 

Matitinding bakbakan at mga bigating eksena ang aabangan ng mga manonood sa “Blood vs Duty” na nakatakda nang umere sa 8 PM primetime slot ng ABS-CBN simula Abril 6 (Lunes), tampok ang matapang na kwento tungkol sa sistema at korapsyon na susubok sa katapatan at sinumpaang tungkulin.  

Pinangungunahan nina Richard Gutierrez, Bela Padilla, at Gerald Anderson ang bagong Kapamilya series kasama sina Baron Geisler at Barbie Imperial. 

Mula ito sa direksyon nina FM Reyes, Bjoy Balagtas, at Rico Navarro, kasama si Erwin Tagle bilang action director. Kasama naman sa mga sumulat nito sina Dindo Perez, Cenon Palomares, Jann Kayla Mendoza, at Shania Vonzel. 

“‘Blood vs Duty,’ is about people who are supposed to be connected pero napaghihiwalay sila ng circumstances at hindi lang sila basta sila napaghihiwalay kungdi somehow merong malaking ginagawa yung destiny para paglabanin sila but actually it’s just a way para ma-resolve ang maraming problema,” pagbabahagi ni Cenon. 

Gagampanan nina Richard (Marcus), Bela (Lara), at Baron (Felix) ang papel bilang government agent na may misyong tapusin na ang malawakang karahasan dulot ng mga ilegal na baril. Protektor naman ng isang komunidad ng mga mangingisda si Gerald (Jalil) kasama ang kapatid na si Barbie (Jamilah) at ang ama na si Datu Rahman, ang papel na ginagampanan ni Jaime Fabregas, 

Sa pagnanais na matunton ang kuta ng mga ilegal na armas, isang pag-atake ang magaganap sa tahimik na komunidad nila Jalil mula sa grupo nila Marcus. Mahuli kaya rito ang tunay na sangkot sa krimen o pagsisimulan ito ng matinding gulo sa pagitan ng dalawang mundo? 

Kabilang din sa bagong action-drama series sina Ejay Falcon, Rommel Padilla, Susan Africa, Bobot Mortiz, Bodjie Pascua, Malou Crisologo, at marami iba pa.

  

Ang JRB Creative Production ng ABS-CBN ang nasa likod nito sa pangunguna nina Julie Anne R. Benitez at creative head na si Dindo Perez. Ang JRB Creative Production ang creator ng Kapamilya serye na “Ang Sa Iyo Ay Akin,” “Mars Ravelo’s Darna,” “Nag-aapoy na Damdamin,” at “Sins of the Father.”

Mapapanood na ang “Blood vs Duty” sa Netflix simula Abril 3 (Biyernes), sa iWant simula Abril 4 (Sabado), at sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live simula Abril 6 (Lunes). 

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa “Blood vs Duty,” sundan ang JRB Creative Production sa Facebook, X (Twitter) (@JRBcreativeprod), Instagram (@JRBcreativeproduction), at TikTok (@jrbcreativeprod).

 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

"Blood vs Duty," aarangkada na sa 8PM primetime slot ng ABS-CBN