Nagpasalamat sa mga sumuporta sa loob ng 3 taon
Nagdiwang bilang isang pamilya sina Coco Martin at ang “FPJ’s Batang Quiapo” team para sama-samang panoorin ang finale episode ng minahal na Kapamilya teleserye matapos ang tatlong makabuluhang taon ng pag-ere nito.
“Sobra akong proud sa ‘Batang Quiapo.’ Thank you sa lahat ng mga Pilipino. Binuhos namin lahat ng lakas at pagmamahal at binigay namin ‘yung best namin para sa show na ito kasi ‘yun ang deserve ng lahat ng mga manonood,” saad ng Primetime King sa panayam ng “TV Patrol” noong Biyernes (Marso 13).
Sa pagtatapos ng serye, tinupad ni Coco ang pangako niya na bigyan ito ng pasabog na finale na sabay-sabay tinutukan ng 748,001 concurrent online viewers sa YouTube.
Hitik sa aksyon at emosyonal na komprontasyon ang episode tampok ang huling laban ni Tanggol (Coco) sa mortal niyang kaaway na si Rigor (John). Sa huli, si Tanggol ang nagwagi at tuluyan na niyang winakasan ang kasamaan ni Rigor.
Bilang pinakapinanonood na primetime series mula 2023, naging bahagi na ang “FPJ’s Batang Quiapo” ng milyon-milyong buhay ng mga Pilipino na gabi-gabing tumutok sa serye saan mang plataporma ito umere sa TV at online.
Lagi rin pinag-uusapan sa social media ang mga trending na eksena at kinagigiliwang karakter sa serye. Paulit-ulit din nitong sinira ang sariling online viewership record na umabot sa all-time high na mahigit isang milyong concurrent viewers o sabay-sabay nanonood sa YouTube.
Bukod din sa maaksyong bakbakan, tumatak din ang serye sa puso ng mga manonood dahil sa mga napapanahong tema nito tulad ng pagmamahal sa pamilya, pagkamit ng hustisya, at pagpupursigi sa buhay.
Para makakuha ng updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.






