Ang pinakabagong StarPop artist
Sinimulan ni Majarlica ang bagong yugto ng kanyang musical journey bilang ganap na StarPop artist dala ang bagong single na “Royalty.”
Ang Canada-based artist na kilala sa tunay na buhay bilang Angelica Tagadtad ay isang media artist, filmmaker, at singer-songwriter mula sa Quezon City. Nagsimula siya sa industriya bilang health and safety intern kung saan nagkaroon siya ng karanasan sa pagdidirek, production, at screenwriting. Naging panelist din siya FILCAN Creative 2023 at nanalo ng FILCAN Music Award Solo Artist of the Year.
Pinasok niya rin ang pag-awit ng covers at pagsulat ng kanta bago siya tuluyang naging recording artist.
“If someone told me at 13 that I’d be writing songs not only for myself but for other exceptional artists, and sharing these stories with the world, I would’ve been surprised. From being a cover artist to a songwriter and now a recording artist—thank you, StarPop, for marking the start of this new chapter,” pagpapasalamat ni Majarlica.
Mula sa komposisyon at produksyon ni Majarlica ang “Royalty,” na inihahalintulad ang katatagan ng pag-ibig sa paghahari ng isang hari at reyna.
Habang tinatapos ang pag-aaral niya sa University of Toronto, nakapagsulat din siya ng awitin para sa ibang artists tulad ng “I, Save Me” ni Belle Mariano, “Self Love Era” ni Kai Montinola, “Reyna” ni Michelle Dee, at marami pang iba. Naging opening act din siya para sa OPM acts gaya nina Parokya ni Edgar, Ben&Ben, at Itchyworms sa kanilang shows sa Canada.
Nakapaglabas din siya ng mga awitin tulad ng “Siguro” at “Patawarin Mo Ako.” Bukod dito, isa rin siyang aktres at naging bahagi ng historical short film na “We Shall Not Sleep (Ligaw, Digmaan).” Nakilala rin si Majarlica bilang Miss Philippines Earth Quezon City 2021 at inilunsad niya ang single na “Kalikasan” bilang bahagi ng kanyang adbokasiya.
Napapakinggan ang “Royalty” ni Majarlica sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.


