News Releases

English | Tagalog

BINI, inilabas ang "Signals" EP; key track na "Blush" itatampok sa Coachella

April 09, 2026 AT 09:31 PM

Handa nang ibida ang OPM sa world stage

Kasabay ng pagpasok sa kanilang global chapter, inilunsad na ng BINI ang bago nilang EP na “Signals” tampok ang key track na “Blush” na unang ipe-perform ng grupo nang live sa makasaysayan nilang Coachella debut, na mangyayari na ngayong Sabado (Abril 11), 7:15 AM PHT (Philippine time) o Biyernes (Abril 10), 4:15 PM PDT (Pacific Daylight time).

Tunay ngang proud moment ito para sa OPM dahil ang BINI ang kauna-unahang Filipino group na napabilang sa isa sa pinakamalaking music festivals sa mundo, na ipagdiriwang sa dalawang weekend sa Indio, California ngayong buwan. Para sa team bahay, mapapanood ang performance ng BINI sa Coachella YouTube channel, hanapin lamang ang Mojave stage livestream.

Nakatakda naman sa susunod na Sabado (Abril 18) ang kanilang ikalawang performance. Bukod sa “Blush,” inaasahan na rin ang pag-awit ng BINI ng iba pa nilang hits para sa kanilang 45-minutong set. 

Samantala, napapanood na ang music video ng “Blush” sa BINI Official YouTube channel. Isa itong summer-crush anthem hango sa pananabik, kaba, at kilig na nararamdaman kapag nakita ang special someone.

Nagmula ang kanta sa panulat nina Greg Shilling, Amanda Ratchford, Lindgren, Shintaro Yasuda, ABS-CBN Music artists Gello Marquez, at Francesca ‘Cesca’ Mahusay. 

Hudyat ang “Signals” EP ng paglawak ng tunog at presensya ng BINI sa global stage. Kasama rin dito ang mga bagong awitin na “Tic Tac Toe,” “Sugar Rush,” at “Step Back.” Maririnig din dito ang mga naunang inilabas na singles na “Unang Kilig” at “Honey Honey.”

Hango ang “Signals” sa paniniwala na may iba’t ibang paraan ng pagpapadama ng pagmamahal na nakikita sa iba’t ibang moment at koneksyon. Bawat track nito ay may hudyat ng pag-ibig, mula sa unang kilig hanggang sa pagkakaroon ng tiwala sa sarili na ipahayag ang damdamin.  

Napapakinggan na ang “Signals” EP ng BINI sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa karagdagang updates, sundan ang BINI sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube, o bisitahin ang bini.abs-cbn.com. Makisaya rin sa mas pinalawak na fandom ng BINI, pumunta sa WeVerse site o i-download ang app nito. -30- 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at Tiktok o bisitahin anghttps://corporate.abs-cbn.com/newsroom/news-releases.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE