News Releases

English | Tagalog

BINI, itinodo ang pagbida sa musikang Pinoy sa mundo sa pagtatapos ng Coachella 2026 journey

April 18, 2026 AT 10:56 AM

Nagpasalamat sa matinding suporta na natanggap

Ibinida ng BINI ang galing at talento ng mga Pilipino sa pagbabalik nila sa Coachella stage para sa ikalawa nilang performance nitong Sabado ng umaga (Abril 18) Philippine Time (PHT) o Biyernes (April 17), Pacific Daylight Time (PDT), bilang pagtatapos ng kanilang makasaysayang journey sa pagbibida ng OPM sa nasabing festival. 

Sabay-sabay na binati nina BINI members Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena ang mga manonood ng “Mabuhay,” habang karamihan sa kanila ay ipinakilala ang sarili gamit ang kani-kanilang dayalekto. Nagpahayag din sila ng pagpapasalamat sa matinding suportang natanggap at sa pagkakataon na muling ibida ang bansa sa isa sa pinakamalaking festivals sa buong mundo. 

“To everyone watching around the world, we see you! Thank you so much for being here with us again,” ani Sheena. 

“Last week it was very unforgettable, and we had so much fun! But today, we’re given another chance to represent our beloved country, the Philippines, so we have to make the most out of it,” sabi naman ni Aiah. 

May 10 songs silang inawit sa kanilang 45-minutong set na sinimulan gamit ang “Strings” at sinundan ng “Zero Pressure,” “Out Of My Head,” “Karera,” at “Salamin, Salamin.” Nagpaindak din sila sa mga kantang “Blink Twice,” “Cherry On Top,” “Blush,” at “Bikini,” bago tapusin ang kanilang Coachella 2026 journey sa kantang “Pantropiko” tampok ang bonggang dance break. 

Matapos ang kanilang performance, nanguna ang #BINI_Coachella, BINI BORN FOR COACHELLA, at #BINICHELLA sa top 3 worldwide trending topics sa X.

Sa kanilang pagpasok sa Coachella, gumawa ng kasaysayan ang BINI bilang unang Filipino group na tumuntong sa nasabing entablado. Ang kanilang naging unang pagtatanghal noong Abril 11 ay itinuturing na isa sa highlights ng unang weekend ng Coachella, ayon sa mga report ng international publications tulad ng Forbes, The Hollywood Reporter, Rolling Stone, at The Guardian.  

Kabilang din sa most viewed highlights ang live performance videos nila ng “Pantropiko” na may higit sa 5 million views na at “Blush” na may mahigit sa 1.8 million views sa Coachella YouTube channel. 

Samantala, naghain si Sen. Bam Aquino sa Senado ng Resolution No. 370 na pinupuri ang grupo sa paghahatid nila ng pride at karangalan sa Pilipinas at sa pagbibida nila ng Filipino talent sa global stage. 

Panoorin ang ikalawang performance ng BINI sa Coachella YouTube channel Mojave stage livestream. Para sa karagdagang updates, sundan ang BINI sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube, o bisitahin ang bini.abs-cbn.com. Makisaya rin sa mas pinalawak na fandom ng BINI, pumunta sa WeVerse site o i-download ang app nito. 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at Tiktok o bisitahin anghttps://corporate.abs-cbn.com/newsroom/news-releases.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 12 PHOTOS FROM THIS ARTICLE