News Releases

English | Tagalog

BINI, ibinida ang musikang Pinoy sa makasaysayang Coachella debut

April 11, 2026 AT 01:33 PM

Umani ng matinding suporta bilang unang Filipino group na sumalang sa isa sa pinakamalaking music festivals sa buong mundo

Matagumpay na ibinandera ng ABS-CBN girl group na BINI ang OPM sa kanilang pagsabak bilang unang Filipino group sa Coachella Valley Music and Arts Festival nitong Sabado (Abril 11) sa Pilipinas o Biyernes (Abril 10) sa Amerika. 

Pasabog ang 45-minutong set ng nation’s girl group sa Mojave stage ng festival na ginanap sa Indio, California at dinaluhan ng music fans mula sa iba’t ibang panig ng mundo. 

Binuksan nila ang show gamit ang awiting “Shagidi” at sinundan ng “Zero Pressure” at “Out Of My Head.” Inawit din nila ang Filipino hits na “Karera” at “Salamin, Salamin” at sinundan ito ng mga kantang “Blink Twice” at “Cherry on Top.” Ipinerform din nila sa unang pagkakataon nang live ang “Blush” na sinundan ng “Bikini” bago ang finale performance ng “Pantropiko.” 

Sa pagitan ng kanilang performances, nagpasalamat ang BINI members na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena sa pambihirang pagkakataon na ibida ang musikang Pinoy sa isa sa pinakamalaking music festivals sa mundo. 

“We are so grateful to be here to represent the Philippines on a global stage and to share with you guys our music,” sabi ni Aiah. 

“Being here with all of you has been the sweetest ‘cherry on top’ of our journey so far,” ani Maloi. 

Matinding suporta mula sa mga manonood ang natanggap ng grupo kasabay at pagkatapos ng kanilang performance, na napanood din sa pamamagitan ng livestream ng Coachella YouTube channel. 

Nanguna sa trending topics sa X worldwide ang #BINI_CoachellaWk1 pati na rin sa Pilipinas at United Arab Emirates. Nasa pangalawang pwesto naman ito sa Canada at Singapore, pangatlo sa Australia, at pang-anim sa Puerto Rico at United States.

Ilan pa sa BINI-related topics na nag-trend sa X ang Pinoy Pride, BINICHELLA, Mojave, Walo, Blink Twice, Salamin Salamin, Karera, Zero Pressure, Cherry on Top, Shagidi, Pantropiko, at iba pa. Nasa Today’s News’ din ng X ang topic na ‘BINI Makes History as First All-Filipino Act at Coachella 2026.’ 

May fans din na nakisaya sa watch parties na inorganisa ng fan group na BLOOM Philippines sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at kalapit na lugar. 

Nakatakda namang bumalik ang BINI para sa kanilang ikalawang performance sa Coachella sa darating na Sabado, Abril 18 (PHT). 

Balikan ang naging performance ng BINI sa Coachella YouTube channel. Para sa karagdagang updates, sundan ang BINI sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube, o bisitahin ang bini.abs-cbn.com. Makisaya rin sa mas pinalawak na fandom ng BINI, pumunta sa WeVerse site o i-download ang app nito. 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at Tiktok o bisitahin ang https://corporate.abs-cbn.com/newsroom/news-releases.



PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

BINI, ibinida ang musikang Pinoy sa makasaysayang Coachella debut