Patikim sa kanyang upcoming album
Nagbabalik-recording ang singer-actor na si Inigo Pascual sa pamamagitan ng “Ikaw at Ikaw,” na nagsisilbi ring comeback project niya sa ABS-CBN record label na Star Music.
“It feels like I’m coming back to my home. I can easily say that Star Music, they were the people that really saw the potential in me from the very beginning and they allowed me to create music, to even discover that I can be a composer. Sa kanila talaga nanggaling ang confidence ko when it comes to music,” sabi ni Inigo.
Isinulat niya ang “Ikaw at Ikaw” na tungkol sa pagbabalik sa tahanan na hindi naman talaga naglaho sa loob ng mga nagdaang taon. Kumuha rin ito ng inspirasyon sa pagbabalik niya sa Pilipinas matapos magpabalik-balik sa bansa at sa Amerika para sa kanyang international career. Inareglo at iprinodyus ito ni Gabriel Tagadtad.
Aniya, “I wanted to go back to my roots, I wanted to go back to how I started as a musician.”
Nagbahagi si ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo ng kanilang excitement sa pagbabalik ni Inigo.
Ani Jonathan, “Inigo will always be family. Hindi naman talaga siya din umalis sa amin. His songs, his music stayed with us. Syemre pag narinig nyo ang ‘Dahil Sayo,’ it will always be the signature of Inigo released under Star Music, and right now it’s like a full circle moment, and alam ko he will keep releasing songs under his home label.”
Magiging bahagi ang “Ikaw at Ikaw” ni Inigo ng kanyang upcoming album na nakatakdang ilunsad ngayong taon at magtatampok ng ilang orihinal niyang komposisyon. Nakatakda ring ilabas ang music video nito na kinuhanan sa Batangas.
Si Inigo rin ang nasa likod ng hit songs na “Balang Araw,” “Catching Feelings,” “Mr. Nice Guy” at iba pa, at siya ang boses sa likod ng official Philippine version ng Coco soundtrack na “Remember Me.” Naglabas din siya ng international album na tinawag na “Options” sa ilalim ng Tarsier Records bago sumabak sa pag-arte abroad para sa Hollywood series na “Monarch.”
Napapakinggan na ang “Ikaw at Ikaw” ni Inigo sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Star Music PH sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.



