“PBB” alumni Fred Moser, bibida sa romantic music video
Kilig at saya ng pagkakaroon ng happy crush ang hatid ng singer-songwriter na si Zion Aguirre sa bagong music video ng kanyang single na “Mahiwaga” na mapapakinggan simula Biyernes (Mayo 22).
Tungkol ang alternative dream pop track na handog ng Tarsier Records sa hindi maipaliwanag na paghanga sa isang espesyal na tao–isang koneksyong mahirap bitawan at puno ng kilig.
“I wrote this song para maka-feel ng lightness, kilig, at spark ulit sa buhay,” saad ni Zion sa isang post.
Isinulat mismo ni Zion awitin habang iprinodyus naman ito ni Jhay Ehidio. Bibida sa music video nito na mapapanood sa Sabado (Mayo 23) ang dating “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” housemate na si Fred Moser.
Mula sa Cavite ang rising Kapamilya artist na nakapaglabas ng independent singles tulad ng “Paradise,” “Sunshine,” at “Yakap.” Noong 2020, naging bahagi si Zion ng Tarsier Records at inilunsad ang mga kantang “Promise” at “Yakap” na umani ng mahigit 1.8 million plays sa TikTok.
Noong 2022, inilabas niya ang debut extended play (EP) na “Bigkas” tampok ang single na “In Another Life.” Nagbalik-musika naman siya noong nakaraang taon sa pamamagitan ng single na “Ayoko Na.”
Available ang “Mahiwaga” ni Zion sa iba’t ibang digital streaming platforms simula Biyernes (Mayo 22) at mapapanood ang music video nito sa Tarsier Records YouTube sa Sabado (Mayo 23). Para sa karagdagang detalye, sundan ang Tarsier Records sa Facebook, X, Instagram, TikTok, at YouTube.
Para updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.


