Inilunsad na ng ABS-CBN Music ang CAT Records, ang record label na magbibigay ng bagong buhay sa mayamang catalog ng Original Pilipino Music (OPM).
Pangungunahan ng music publishing group ng ABS-CBN ang label na magsisilbing platform para sa bagong bersyon ng mga natatanging komposisyon ng Filipino composers na bahagi ng malawak na catalog ng ABS-CBN Music.
Misyon nito na panatalihin ang mga kwento at himig ng mga awitin na tumatak sa kulturang Pinoy at magbigay ng pagkakataon para sa artists, producers, at musicians ngayon na bigyan ang mga ito ng sariling interpretasyon para sa bagong henerasyon.
Kabilang sa singers na magiging bahagi ng CAT Records sina CIFRA, Gab Tagadtad, Gino Nazal, Jeri Violago, JM Yosures, at SAGA.
May bagong rendition si CIFRA sa OPM classic na “Ipagpatawad Mo,” mula kina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon o kilala bilang TVJ. May modern take naman ang singer-songwriter at producer na si Gab Tagadtad sa “Panaginip Lang.” Isa rin siya sa producers na makakasama sa CAT Records.
May instrumental project na ilalabas ang kilalang gitarista na si Gino Nazal. Si Jeri Violago ang unang singer-songwriter ng label. Bibigyang buhay naman ni JM Yosures ang kantang “Ang Hirap Maging Mahirap,” habang pangmalakasang interpretasyon naman ang handog ni SAGA sa awiting “Diamante.” Makakasama rin sa CAT Records family sina BRYN, Sarvi, at YellowPad.
Samantala, kasama din sa mga unang proyekto ng CAT Records ang isang koleksyon ng jazz instrumental version ng classic songs ng 70’s icon na VST & Co. Iproprodyus ang koleksyon ng music arranger na si Sunny Ilacad at pinerform ng saxophonist na si Jun Figueroa na magtatampok sa “Awitin Mo, Isasayaw Ko” at iba pang classics, na mapapakinggan na simula ngayong araw (Mayo 22, 2026).
Kabilang din sa mga producer at composer na bubuo sa tunog ng CAT Records sina Christian Martinez, Kiko Salazar, Raizo Chabeldin, at Sunny Ilacad.
Dala ng label ang legacy ng ABS-CBN Music, mula sa pagsisimula nito bilang Star Records habang sa ebolusyon nito bilang isa sa nangungunang music companies sa bansa ngayon. Sasamahan nito ang exciting roster ng Kapamilya labels na Star Music, StarPop, Inspire Music, DNA Music, Tarsier Records, at ABS-CBN Music International.
Hatid nito ang bagong chapter para sa Filipino music, na ipinagdiriwang ang galing sa songwriting at talent ng mga artist na magdadala ng OPM sa hinaharap.


