News Releases

English | Tagalog

Angela Ken, may busking tour para sa kanyang "Panahon" EP

May 08, 2026 AT 05:24 PM

Bagong EP, napapakinggan na sa digital streaming platforms

Iikot sa iba’t ibang lugar para mag-busking ang Kapamilya singer-songwriter na si Angela Ken at iparinig ang kanyang bagong EP na pinamagatang “Panahon.”

Nakatakda siyang mag-perform sa SM North EDSA ngayong araw (Mayo 8), SM City Baliwag sa Mayo 12 (Martes), SM City Sta. Mesa sa Mayo 14 (Huwebes), SM Mall of Asia sa Mayo 15 (Biyernes), SM Southmall sa Mayo 18 (Lunes), at SM City Fairview sa Mayo 20 (Miyerklues).

Aawitin niya ang tracks mula sa kanyang bagong labas na “Panahon” EP mula sa Tarsier Records. Naglalaman ito ng mga bagong kanta na “kahapon,” “panahon,” at “simula ngayon” at pati na rin ang mga nauna niyang inilabas na single na “baka bukas,” “kulimlim,” at “pwede bang mamaya?”

Si Angela ang nasa likod ng hit song na “Sikulo,” ang kolaborasyon niya sa kapwa Kapamilya artists na sina Maki at Nhiko Sabiniano, at “Ako Naman Muna.” Nakipagsanib-pwersa rin siya sa OPM band na Over October para sa “Moved on Last” collab nila noong nakaraang taon.

Kamakailan ay umani na ng mahigit sa 1.2 million streams sa Spotify ang “baka bukas” single ni Angela.

Abangan si Angela sa busking tour niya sa SM Supermalls ngayong Mayo. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Tarsier Records sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube.

 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.