Mas iigting ang tensyon at aksyon sa pagbubukas ng midseason ng mystery-romance collaboration series ng GMA Network at ABS-CBN na “The Secrets of Hotel 88,” kung saan mas nagiging komplikado ang paghahanap ng hustisya ng dalawang pamilya dahil sa patuloy na pagsabog ng mga sikreto ng nakaraan at banta sa kani-kanilang buhay.
Sa inilabas na midseason trailer noong Martes (May 5),nasilayan ng manonood na nagiging madilim at puno ng suspense ang takbo ng kwento habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng dalawang pamilya sa Hotel 88. Sa kanilang paghahanap ng kasagutan, mas maraming lihim ang nabubunyag, habang nananatiling hindi nalulutas ang mga hindi maipaliwanag na pagkamatay ng ilang guests. Habang palapit na sila sa inaasam na hustisya, mas nagiging delikado ang mga pangyayari at maaring buhay nila ang kapalit.
Sa ginanap na media conference, nagbigay pasilip ang cast tungkol sa dapat abangan sa serye, kabilang na ang posibilidad ng pagkawala ng ilang karakter.
“Parang may eviction na mangyayari. Aabangan kung ilan ang matatanggal at kung paano siya mangyayari,” pahayag ni Brent Manalo.
Ibinahagi rin ng cast na excited na sila sa mangyayari matapos mapanood ang trailer at tingin nila ay hindi nasayang ang kanilang pinagdaanan at pinaghirapan. Ayon sa kanila, maliit pa lamang na bahagi ang ipinakita ng trailer kumpara sa mga susunod na mangyayari.
Habang patuloy na tumitindi ang tensyon at nababasag ang tiwala ng bawat isa, hanggang saan nga ba nila kayang lumaban para sa katotohanan?
Mapapanood ang “The Secrets of Hotel 88” tuwing Lunes hanggang Biyernes, 9:35 PM sa GMA Prime, Kapamilya Online Live, at Kapuso Stream, at sa GTV tuwing 11:25 PM. Maaari rin itong mapanood nang seven days in advance sa iWant.


