Kinoronahang grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” Season 10 si Yannie Basical ng Region 3 matapos makuha ang pinakamataas na score na 97.4% mula sa hurados sa grand finals na ginanap noong Sabado (June 13), at nagmarka ng kasaysayan bilang unang kampeon ng kompetisyon na nasa autism spectrum.
Tinuldukan niya ang laban sa pamamagitan ng isang Smokey Mountain medley na naghatid ng standing ovation mula sa mga hurado at audience. Sa unang round, naantig din niya ang mga hurado sa kanyang emosyonal na pag-awit ng “Wakas” ng SB19.
Tinalo niya sa nasabing three-way bakbakan ang kapwa niyang grand finalists na sina Charlie Palalisan na nagtapos bilang second placer na may 97.1%, at si Jeanel Silvestre na umuwing third placer sa score na 95.1%.
Nagsilbi naman bilang “Tawag ng Tanghalan 10: Ang Huling Tapatan” hurados sina Darren Espanto, Erik Santos, Yeng Constantino, Klarisse de Guzman, Jed Madela, Marielle Montellano, Nyoy Volante, Bituin Escalante, Jonathan Manalo, Kyla, JM Yosures, at Ogie Alcasid.
Bilang bagong kampeon, naiuwi ni Yannie ang ₱1 milyon, trophy na dinisenyo ni Toym Imao, management contract mula sa ABS-CBN, recording contract mula sa ABS-CBN Music, at dalawang round-trip tickets patungong Asia, Australia, at Middle East.
Samantala, tumanggap si Charlie ng ₱200,000 habang ₱100,000 naman si Jeanel.
Ang mga grand finalist na sina Von Keirule, Will de Sosa, at Russian Ouano ay tumanggap naman ng tig-₱20,000.
Umani rin ng ingay online ang grand finals matapos mag-trending nationwide sa X ang #TNT10AngHulingTapatan.
Matapos ang ika-10 season ng “TNT,” inaabangan naman ang pagbabalik ng iconic na “Miss Q&A” sa Lunes (June 16). Patuloy din naman ang auditions para sa susunod na bagong segment ng “It’s Showtime.”
Mapapanood ang “It’s Showtime” Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa GMA, ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (YouTube at Facebook ng ABS-CBN Entertainment), iWant at TFC IPTV. Maaari rin itong subaybayan sa online companion show na “Showtime Online U” sa YouTube channel ng programa.




