News Releases

English | Tagalog

Bagong queens na may talino at kakaibang personalidad, makikilala sa pagbabalik ng “Miss Q and A”

June 16, 2026 AT 02:42 AM

Bagong single ni Vice Ganda, napakinggan sa bagong segment

 

Opisyal nang bumalik sa “It’s Showtime” ang pinakamamahal na pageant segment na “Miss Q and A”  sa ikabagong season nito na nagtatampok ng panibagong batch ng aspiring queens mula sa iba’t ibang panig ng bansa na handang ipakita ang kanilang talino, kumpyansa, at kakaibang personalidad.

 

Labis nga ang papuri ng fans sa pagbabalik nito lalo pa at hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin ang iba’t ibang banat ng dating contestants. Nanguna ang hashtag nito na #ShowtimeMQA2026 nationwide ngayong araw sa X.

 

Para kay Vice Ganda, ang puso ng “Miss Q and A” ay ang kakayahan ng contestants na magbigay ng sagot na hindi inaasahan ngunit puno ng lalim at insight.

 

“Ang dapat abangan nating lahat ay yung mga hindi inaasahang sasabihin ng mga contestants natin, kasi yun yung magic ng ‘Miss Q and A’,” aniya.

 

Ayon pa kay Vice, dapat ding abangan ng madlang people ang mga bagong personalidad na maaaring sumikat at maging next breakout stars ng kompetisyon, tulad ng mga naunang season na nagluwal ng fan-favorite contestants.

 

Naging pasabog ang opening ng bagong season sa performance ni Vice Ganda ng kanyang latest single na “Talak.”

 

Bumalik din sa panel of hurados ang beauty queen at television host na si Nicole Cordoves. Makakasama niya sina OPM at showbiz royalty Karylle, at “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” Season 1 ex-housemate at “Y Speak” host na si Ralph De Leon.

 

Sa unang episode ng season, kinoronahan si Mrs. Jawo ng Antipolo bilang first daily winner matapos niyang mapabilib ang mga hurado sa “Wit Lang” round. Nag-uwi siya ng ₱15,000 cash, sash, at korona.

 

Sa mga gustong sumali sa bagong edisyon ng “Miss Q and A,” bukas ang auditions para sa aspiring contestants na may edad na 18 years old pataas. Ipakita ang inyong talino at kumpiyansa,  sa sagutan, talakan, at rampahan sa ABS-CBN audience entrance tuwing Lunes, Miyerkules, at Sabado, mula 9:00 AM hanggang 4:00 PM.

 

Huwag palampasin ang kasiyahan at aliw sa “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12NN, sa GMA, A2Z, ABS-CBN sa ALLTV2, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook ng ABS-CBN Entertainment, iWant, at TFC. Mapapanood din ang online show na “Showtime Online U” sa YouTube channel ng “It’s Showtime.”

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE