Magpapasiklab sa primetime simula Hunyo 22!
Muling magpapasiklab sa primetime ang Hari ng Aksyon sa Ating Henerasyon na si Coco Martin sa kanyang pinakaaabangang pagbabalik-telebisyon matapos ilabas ng ABS-CBN ang opisyal na trailer ng “Coco Martin’s Sigabo,” na mapapanood simula Hunyo 22 ng 8 PM.
Sa inilabas na trailer, ipinasilip ang mala-pelikulang kalidad na produksyon na may makapigil-hiningang aksyon, at ilan sa mga kakikiligang eksena ni Coco kasama ang Prime Actress na si Julia Montes.
Ito ang kauna-unahang orihinal na konsepto ni Coco kung saan tampok ang kanyang tatak-Coco Martin na aksyon na may halo ring siksik sa kilig at katatawanan na siguradong tatatak at aantig sa mga manonood gabi-gabi.
“Sobra akong proud na proud sa project na ito, kasi from ‘Probinsyano’ to Batang Quiapo’ talagang in-upgrade namin,” pahayag ni Coco sa “TV Patrol” tungkol sa serye kung saan siya ang pangunahing bida, direktor, at producer kasama si Julia.
Ibang klaseng timpla ang handog ni Coco sa serye bilang si Gabo, isang mapagmahal na anak at dating preso na sasabak sa isang malupit na misyon kapalit ng kanyang kalayaan, kung saan makikilala niya si Sam (Julia), isang abogado at investigative agent.
Samantala, bumuhos ang papuri para kay Coco mula sa mga respetadong personalidad sa industriya tulad nina Erik Matti at Roselle Monteverde, pati mga aktor na bihasa sa aksyon na sina Lito Lapid at Mark Lapid, na kinilala ang kanyang mala-blockbuster na tagumpay mula “FPJ’s Ang Probinsyano” hanggang “FPJ’s Batang Quiapo,” at iginiit na tunay siyang karapat-dapat sa titulong “Hari ng Aksyon sa Ating Henerasyon.”
Ayon nga sa batikang filmmaker na si Erik sa interview sa “TV Patrol,” “It’s Coco who really brought back the excitement of action movies and series. ‘Pag gawa niya ng aksyon, action all the way. He started it again when no one else was looking into action.”
Pasabog din ang mga makakasama ng CocoJul sa action-romance serye tulad nina JC De Vera, JM De Guzman, Arci Muñoz, Sue Ramirez, Jhong Hilario, Edu Manzano, Carmi Martin, Chanda Romero, Irma Adlawan, Joey Marquez, at marami pang iba.
Patuloy namang umaarangkada ang mainit na suporta ng Kapamilya sa CocoJul at cast ng “Sigabo” sa kanilang nationwide motorcade na dinadagsa at sinusuportahan ng fans sa iba’t ibang panig ng bansa.
Matapos dumugin ang mala-piyestang “Sigabo” motorcade sa Metro Manila at Cebu, dadalhin naman ng CocoJul ang saya at selebrasyon kasama ang fans sa Cavite (Hunyo 18), Palawan (Hunyo 20), at Pampanga (Hunyo 28).
Tutukan ang mga maaksyong tagpo sa “Coco Martin’s Sigabo” simula Hunyo 22 ng 8 PM sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube at Facebook, at iWant.
Para makakuha ng updates sa “Coco Martin’s Sigabo,” bisitahin ang sigabo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.








