Nanatili bilang most-watched show sa iWant sa huling dalawang linggo…
Patuloy na kinakapitan ng manonood ang serye ng GMA Network at ABS-CBN na “The Secrets of Hotel 88” sa pagpasok nito sa huling dalawang linggo, kung saan nalaman na sa wakas kung sino ang pumatay sa mga tatay ng pamilyang Almazan at Fernandez.
Mula nga nang mag-premiere noong Pebrero, labis na tinututukan ng mga manonood ang “The Secrets of Hotel 88” dahil sa nakakaintriga nitong misteryo, nakakagulat na mga rebelasyon, at mga karakter na nagpapanatili ng interes ng publiko habang unti-unting nabubunyag ang mga lihim ng Hotel 88. Kasalukuyan ding nangunguna ang serye sa listahan ng mga pinakapinanood na programa sa iWant.
Noong nakaraang episodes, ikinagulat nga ng manonood ang naging matinding rebelasyon ni Sandro (Christian Vasquez) kay Leon (River Joseph) na siya ang nasa likod ng pagpatay ng magkaibigang sina Michael (Gardo Versoza) at Frederico (Dominic Ochoa). Bukod dito nalaman din nila na siya ang may kagagawan sa mga sunod-sunod na pagkamatay sa Hotel 88.
Ngayon nga ay nagtutulungan naman ang magkakapatid na sina Gio (Brent Manalo), Martin (Ralph De Leon), at Kiko (Will Ashley) para makumpleto ang mapa upang mahanap ang natatagong kayamanan at malutas ang mga misteryo ng Hotel 88. Samantala, tuluyan nang nagkampihan sina Sandro (Christian Vasquez) at Andy (Ryan Eigenmann) na unahan ang magkakapatid na mabuo ang mapa.
Sa nalalabing dalawang linggo, asahan ang sunod-sunod na rebelasyon, at matitinding aksyon ang kakaharapin ng bawat karakter. Sino kaya ang mauunang makakuha ng natatagong kayamanan sa Hotel 88? Maligtas kaya ng magkakapatid na Almazan si Leon o may susunod pa sa pagkamatay ni Monette (Klarisse de Guzman)?
Tutukan ang papalapit na kapana-panabik na pagtatapos ng “The Secrets of Hotel 88” tuwing Lunes hanggang Biyernes, 9:35 PM sa GMA Prime, Kapamilya Online Live, at Kapuso Stream, at sa GTV tuwing 11:25 PM. Maaari rin itong mapanood nang seven days in advance sa iWant.
Para sa pinakabagong balita at updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang ABS-CBN Newsroom.






