Coco, pinasalamatan ang ABS-CBN, ALLTV2, A2Z, at TV5
Buhay na buhay ang telebisyon sa pagbabalik ni Coco Martin matapos subaybayan ng sambayanang Pilipino ang unang episode ng pinakaaabangang seryeng “Coco Martin’s Sigabo” na nakakuha ng 404,124 peak concurrent viewers sa YouTube kahapon (Hunyo 22), kaya todo ang pasasalamat ng aktor sa pagsasama-sama ng ABS-CBN, ALLTV2, A2Z, at TV5 para sa mga manonood.
“Grateful kasi nandito lahat. Nagsama-sama, nagtulong-tulong. Hindi ko ma-imagine na pupunta dito ang TV5, ALLTV2, at A2Z. Kasi ang ibig sabihin nito, isinisigaw natin sa buong Pilipinas na dapat magtulong-tulong tayo at magsuportahan para dito sa ‘Sigabo,’” saad ni Coco sa ginanap na special screening na dinaluhan ng mga cast member, empleyado, at executives ng iba’t ibang TV networks.
Proud din si Prime Actress na si Julia Montes sa bago nilang handog sa mga Pilipino at sinabing, “Ito na ‘yung produkto na mapapanood ng mga tao at para siyang pelikula. Lagi naman sinasabi ng ABS-CBN na ‘in the service of the Filipino.’ Ang pinaka-importante ay nagsama-sama ang lahat.”
Damang-dama ang sigabo ng pagmamahal para sa Hari ng Aksyon sa Ating Henerasyon matapos umani ng magandang reaksyon mula sa mga manonood ang maaksyon at nakaka-good vibes na episode na ipinalabas sa iba’t ibang TV at online platform.
Ayon naman sa cast, pang-international ang dekalibreng serye ni Coco dahil sa mala-pelikulang action shots na nagpapakita ng husay at talento ng mga Pilipino.
Bukod sa makapigil-hiningang bakbakan, pumatok din sa netizens ang nakakakilig na tambalan ng CocoJul matapos ang hindi inaasahang halikan nina Gabo (Coco) at Sam (Julia) kasunod ng matinding engkwentro ng kanilang mga karakter.
Kasabay ng paglunsad ng kanilang pinakabagong serye, nagkaroon ng Kapamilya cast welcome sa ABS-CBN kung saan masayang binati ng mga executive at empleyado sina Coco, Julia, buong cast, pati na rin ang mga direktor, at production staff.
Bongga rin ang pagsalubong sa serye matapos magkaroon si Yeng Constantino ng special live performance ng theme song sa ginanap na screening. Umabot din sa online viewers ang selebrasyon dahil game na game ring nakipag-chikahan ang ilang cast members tungkol sa serye sa isang espesyal na online gap show sa Kapamilya Online Live.
Mula online hanggang sa mga kalye, ramdam ang suporta mula sa mga Kapamilya sa iba’t ibang panig ng bansa na dumadagsa sa mala-piyestang nationwide motorcade ng “Sigabo” para masilayan ang cast ng serye sa pangunguna ng CocoJul. Dapat naman abangan ang pagbisita nila sa Pampanga ngayong Hunyo 28.
Mas maraming Pilipino na ang makakanood ng “Coco Martin’s Sigabo” sa iba’t ibang platforms kung saan available ito Lunes hanggang Biyernes ng 8 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Para makakuha ng updates sa “Coco Martin’s Sigabo,” bisitahin ang sigabo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.






