Awitin para sa mga pusong marunong maghintay at tapat
Matamis na pagsisimula ng pag-ibig ang ibinahagi ng OPM band na The Red Strings sa kanilang latest single na “Kupido.”
Isinulat ng band members na sina Gello Marquez, Cedryck Guda, Llana Claire Catudio, Nicholas De Rosales, Risen Santos, at Liam Barba ang awitin kasama ang DNA Music label head na si Gabriel Tagadtad, na siya ring nagsilbing producer ng kanta. Tungkol ang awitin sa pagnanais na maging higit pa sa isang “baka” ang isang espesyal na samahan. Sa halip na madaliin ang pag-ibig, ipinapakita ng kanta ang saya ng pagdama sa bawat yugto nito—mula sa unang hawak-kamay at yakap hanggang sa unang halik.
Nabuo ang The Red Strings sa pamamagitan ng ABS-CBN Entertainment docu-reality show na “The Next Big Band.” Hango ang kanilang pangalan sa paniniwalang may mga taong itinadhana para magkakilala at magsama-sama—katulad ng red string na nagdugtong sa kanila upang gumawa ng musika.
Umani ng mahigit 300,000 streams ang “Kupido” sa Spotify at tampok din ito sa editorial playlists tulad ng Hot Hit Philippines, Tatak Pinoy, at OPM Rising. Umarangkada rin ito sa ika-25 na pwesto sa Spotify Philippines Viral Songs Chart.
Kamakailan, nakasama rin ang banda sa “Panahon” busking tour ni Angela Ken sa SM Mall of Asia. Nakisaya rin sila sa “The Road to Wakas” mall show sa SM City Dasmariñas at sa “M2chella” sa Market! Market!
Napapakinggan ang “Kupido” ng The Red Strings sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa updates, sundan ang The Red Strings sa Facebook, X, Instagram, at TikTok.
Para sa ibang detalye, sundan ang DNA Music PH sa Facebook, X, Instagram, at YouTube.


