Iba’t ibang yugto ng pag-ibig, tampok sa limang awitin ng EP
Ibinahagi ng rising OPM band na Off To Aurora ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig sa kanilang self-titled debut EP.
Mas maririnig ang alternative rock sound ng banda sa limang kantang bumubuo sa EP na “Sampung Hakbang,” “Bituin,” “Papalayo,” “Paglalaban,” at “Makikita Kang Muli.” Umiikot ito sa pagsisimula ng pag-ibig, pagtatalo, hanggang sa pagkakaroon muli ng pag-asang magmahal.
Isinulat nina Jimmy at Cymbee Antiporda at iprinodyus ni Angelo Zipagan ang key track na “Makikita Kang Muli.” Tungkol ito sa pagbabalik sa taong mahal mo at sa pangakong patuloy na ipaglalaban ang pagmamahalan sa kabila ng anumang pagsubok.
Binubuo ang Off To Aurora nina Idean Rafael Arayata Pornal, Kiel Malonzo, Kyle Faustino, John Lloyd Hernandez, Benedict Borja, at CJ Gonzaga. Nabuo ang banda noong 2024 at nakilala sa paghahalo ng modern indie at alternative rock sa mga kantang may makabuluhan at relatable na kwento. Kamakailan ay ipinagdiwang nila ang bagong EP sa pamamagitan ng launch party na naganap sa GigMusic Hall, Cavite noong Biyernes (Hunyo 12).
Noong nakaraang taon, inilabas nila ang kanilang debut single na “Sampung Hakbang” sa ilalim ng DNA Music, na sinundan ng “Bituin,” na mas nagpakilala sa kanilang tunog at paraan ng pagkukuwento sa musika.
Napapakinggan ang “Off To Aurora” sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang DNA Music PH sa Facebook, X, Instagram, at YouTube.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.


