Bakbakan ni Coco, patok na rin sa English, Portuguese, at French
Pang-international din ang “FPJ’s Batang Quiapo” dahil available na ang ika-apat na season nito sa 41 na bansa sa Africa.
Pagkatapos maging pinakapinanonood na primetime series sa Pilipinas mula 2023 hanggang 2026, umabot na sa ibang bansa ang mga sumusubaybay sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin dahil available ito sa Africa na naka-English, Portuguese, at French sa pamamagitan ng StarTimes channel.
Patuloy na lumalawak ang mga manonood ng serye, na kilala sa pamagat na “Gangs of Manila,” dahil maski sa online ay dumadagsa ang mga positibong reaksyon ng netizens sa Facebook at TikTok posts ng StarTimes na kaugnay dito.
Umiikot ang ika-apat na season ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa huling yugto ng pakikipagsapalaran ni Tanggol kung saan ibabalik niya ang dangal ng Maynila bilang bagong mayor ng lungsod.
Kasabay ng pagpatok ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa Africa ay ang inaabangang pagbabalik-primetime ni Coco kasama si Julia Montes sa action-romance seryeng “Coco Martin’s Sigabo.”
Pumatok ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa mga Pilipino dahil bukod sa pamamayagpag bilang top-rating teleserye sa Pilipinas, nagwagi rin ito ng mga pagkilala kabilang na sa unang Philippine Arts, Film, and Television Awards (PAFTA) kung saan nanalo ito ng Best Drama Series, Best Drama Actor para kay Coco, at Best Breakthrough Performance para kay Maris Racal.
Sa mahigit 50,000 oras ng content na naibenta sa higit 50 bansa sa buong mundo, patuloy na pinapalawak ng ABS-CBN ang global reach ng Filipino storytelling—pinatutunayan na kayang makipagsabayan ng mga kwentong Pilipino sa pinakamalalaking entablado ng mundo.
Para makakuha ng updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.



