Bida sa kauna-unahang makabagong Pinoy animated fantasy series na “Sun Chaser” ang award-winning actress na si Charo Santos-Concio na mapapanood nang libre sa YouTube simula Hunyo 23 (Martes), 12NN.
Prinoduce ng Manila-based Toon City Animation at Playlab, itinuturing na mahalagang hakbang para sa Philippine animation industry ang “Sun Chaser” bilang isang creator-owned series na binuo at ginawa sa Pilipinas habang ipinapakilala ang Filipino mythology sa buong mundo.
Makakasama ni Charo sa serye sina Manny Jacinto, Liza Soberano, Eugene Cordero, Dingdong Dantes, Zia Dantes, J.R. De Guzman, at Star Magic artists na sina AC Bonifacio at KD Estrada.
Umiikot ang kwento ng “Sun Chaser” kay Jordan Santos (Manny), isang teenager na dumating sa Pilipinas para magbakasyon. Ngunit nagbago ang lahat nang may isang supernatural na banta ang gumulo sa kanilang isla. Habang unti-unting nabubunyag ang mga sinaunang kapangyarihan at matagal nang nakatagong lihim ng kanilang pamilya, matutuklasan ni Jordan ang misyong hindi niya inaasahan—ang pangalagaan ang hangganan sa pagitan ng mundo ng tao at ng mga espiritu.
Ang nasabing serye ay nilikha ng Pilipinong animation talents na sina Bobby Pontillas at Bernard Badion. Si Bobby ay isang Disney Animation veteran na kabilang sa mga proyektong “Zootopia,” “Moana,” “Big Hero 6,” at “Wreck-It Ralph,” at nominado rin sa Academy Awards para sa animated short film na “One Small Step” noong 2018. Samantala, si Bernard naman ay nakapag-develop ng mga proyekto para sa malalaking studio sa Los Angeles kabilang ang “Transformers: EarthSpark.”
Nakakuha na rin ng international recognition ang “Sun Chaser” matapos nitong mapanalunan ang Animation du Monde Prize para sa international projects sa Annecy/MIFA 2025, isa sa pinakakilalang pandaigdigang plataporma para sa umusbong na animated projects at independent series.
Mapapanood nang libre ang pilot episode ng “Sun Chaser” sa YouTube simula Martes (Hunyo 23) alas-dose ng tanghali. Kasabay nito ang paglulunsad ng Kickstarter campaign upang makatulong sa pagpopondo ng mga susunod na episodes ng serye habang isinusulong ng mga creator ang buong unang season nito.

