Maja bilang number one fan, inabusong anak, at kaaway
Makikilala na ang bagong karakter na bibigyang-buhay ni Her Majasty na si Maja Salvador sa kanyang inaabangang pagbabalik-telebisyon sa “Someone, Someday” matapos maglabas ng ABS-CBN ng vertical videos tampok ang ilan sa kanyang mga nakaka-intrigang eksena.
Gagampanan ni Maja ang misteryosong karakter na si Abi Mercado – ang number one fan ni Billy (Kathryn Bernardo), isang mapagmahal ngunit inabusong anak, at isang kaaway.
Sa unang vertical video tungkol sa kanyang karakter, makikita ang kanyang matinding paghanga kay Billy bilang number one fan nito. Mula sa palihim na pagpasok sa kwarto ni Billy hanggang sa paggamit ng mga personal nitong gamit, patunay sa kanyang pagnanais na maging katulad ng kanyang iniidolo.
Ipinasilip din ang ilang eksena ni Abi bilang isang mapagmahal at maalagang anak sa kanyang nanay (Rita Avila) na may malubhang sakit. Ngunit sa kabila ng kanyang mga sakripisyo, patuloy siyang nakararanas ng pang-aabuso at panghuhusga mula sa sariling ina.
Tampok naman sa isa pang scene drop ang matinding komprontasyon nina Abi at Billy matapos niya itong akusahan na mang-aagaw dahilan para tawagin siya ni Billy na sinungaling at suntukin sa harap ng kanilang mga katrabaho.
Ikwinento ni Maja na masaya siyang magbalik-teleserye sa ABS-CBN sa isang serye kasama sina Kathryn Bernardo at James Reid.
“Alam kong I’m home. There are many reasons why I accepted this project and isa na doon ang gusto kong makatrabaho sina Kathryn and James. Isa itong napakagandang role,” pagbabahagi ng aktres sa mediacon noong Biyernes (Hulyo 17).
Samantala, mapapakinggan na ang official playlist ng “Someone, Someday” tampok ang 11 kantang nagbibigay-buhay sa serye – “Pauwi Na,” “Sandal,” “Traffic,” “Hurt Me Too,” at “Pahinga” (feat. TJ Monterde) ni James Reid, “Abelyana” ni Maki, “The Puzzle” ni Belle Mariano, “Kulimlim” ni Angela Ken, “Sugal” ni Bryan Chong, “Tabla Tayo” ni FANA, at “Mag-isa Lang Ako” ni Shaniah Rollo.
Ang “Someone, Someday” ay pinagbibidahan din nina Dimples Romana, Rowell Santiago, McCoy De Leon, Daniela Stranner, at Migz Casimiro. Mula ito sa direksyon nina Chad V. Vidanes at Dolly Dulu.
Mapapanood ang “Someone, Someday” simula Hulyo 27 ng 8:45 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook. Una itong mapapanood sa Netflix sa Hulyo 24 at sa iWant sa Hulyo 25, at magiging available rin ito sa TFC.
Para makakuha ng updates sa “Someone, Someday,” bisitahin ang someonesomeday.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.




