Melai at Barbie, may matinding chika sa unang episode ng bagong vodcast ng ABS-CBN
Melai, may sikretong ibubunyag! Xyriel at Alexa, game bang mag-jowa ng direktor?
Ilan lamang ito sa mga dapat abangan dahil muling magpapakatotoo ang paborito niyong ex-housemates sa masayang chikahan at paglantad ng matitinding mga rebelasyon na handog ng ABS-CBN sa bago nitong video podcast (vodcast) na “Hello Outside World” kasama ang hosts na sina Bianca Gonzalez at Esnyr.
Tampok sa six-episode vodcast ang mga pares na personalidad na iba’t iba ang pinagmulan sa buhay ngunit nagkakasundo dahil nakaka-relate sila sa isa’t isa, kung saan makikipag-kwentuhan sila tungkol sa mga hamon at pagiging winner sa real world. Mapapanood ito simula Hulyo 29 (Miyerkules) ng 6 PM sa ABS-CBN Entertainment YouTube, ang most subscribed media and entertainment channel sa Southeast Asia.
Makakasama ng hosts o “Outside World Allies” sa unang episode sina Melai Cantiveros at Barbie Imperial, hatid ang mga nakaka-intrigang rebelasyon sa pagbulgar ni Melai sa unang pagkakataon ng matinding sikreto mula sa kanyang personal na buhay habang may opinyon din si Barbie sa pagiging unang housemate evictee.
Makiki-marites din sina Bianca at Esnyr kina Kolette Madelo at Carmelle Collado kung saan ilalantad nila ang lahat tungkol sa bashing at red flags sa jowa, na hahantong din sa pagiging emosyonal ni Kolette nang balikan ang karanasan sa kanyang ex.
Mainit na chika rin ang handog sa episode nina Xyriel Manabat at Alexa Ilacad na iikot sa mga kontrobersyal na showbiz issues, kabilang na kung open ba silang makipagrelasyon sa isang direktor at kung ano ang tipo nila sa lalaki.
Mas marami pang pasabog na rebelasyon tungkol sa heartbreak, pag-ibig, May-December relationships, estado ng puso, paglive-in bago ang kasal, at career ang dapat abangan sa mga susunod na episode kasama sina Jane Oineza, Baninay Bautista, Kai Montinola, Jas Dudley-Scales, Nene Tamayo, at Keanna Reeves.
Bukod sa masayang kwentuhan at kulitan, dapat din abangan ang masasayang games na magpapakita sa koneksyon ng guests sa outside world.
Makisaya sa kwentuhan sa limited episodes ng “Hello Outside World” na mapapanood tuwing Miyerkules simula Hulyo 29 ng 6 PM sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel.
Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

