Mapapanood tuwing Sabado simula Hulyo 25, 6:45 PM
Mga kwentong Pinoy na kakaiba, nakamamangha, at nakatitindig-balahibo ang ibibida ng bagong news magazine program ng ABS-CBN News na “Ibang Level ‘To” kasama sina Melai Cantiveros-Francisco at MJ Felipe na mapapanood ngayong Hulyo 25 (Sabado).
Hatid nina Melai at MJ ang samu’t saring istorya na pang-next level ang pagiging kakaiba mula sa iba’t ibang dako ng bansa. Mapa-trending moments sa social media, mga pambihirang talento ng iilang Pilipino, o mga hindi ordinaryong pamumuhay ng iilan sa atin, sagot ‘yan ng “Ibang Level ‘To.”
Sa unang episode nito, samahan sina Melai at MJ na silipin ang ilan sa mga agaw-pansin na mga tirahan, tulad ng mga pamamahay na binabaybay ang karagatan ng Manila Bay, hanging shelters sa Tondo na nakasabit sa ilalim ng tulay, at ang kilalang upside-down house sa Benguet.
Mga exotic na putahe naman ang ipapatikim sa mga host, mula sa abuos o red ant caviar na patok sa North Luzon, ang Bulacan specialty na crispy sinuso o lechong kawali na gawa sa pork breast, hanggang sa mystery organ ng daga na inaadobo sa Pampanga.
Alamin din ang mga nakamamanghang halaman na matatagpuan sa Pilipinas, tulad ng calabash fruit na nakapagsasabing nakapagpapagaling umano ng sakit na dulot ng arthritis at gout, isang puno na nakapagbubunga ng tatlong klaseng prutas, at ang berry na nakapagpapatamis ng kahit anong maasim na prutas.
Lahat ng kakaibang istorya na ito, mapapanood sa “Ibang Level ‘To” tuwing Sabado simula Hulyo 25, 6:45 PM sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito sa ABS-CBN News YouTube channel at iWant.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.





