News Releases

English | Tagalog

"The Loyalty Game” nina Jericho at Janine, nangungunang serye sa Prime Video PH

July 15, 2026 AT 10:50 PM

Patuloy na tinatangkilik ng mga manonood ang suspense thriller na “The Loyalty Game” ng ABS-CBN Studios at Prime Video matapos nitong manguna sa listahan ng most watched series sa Prime Video Philippines simula noong Sabado (Hulyo 12).

 

Kapit na kapit na ang viewers ng serye sa Pilipinas maging sa ibang bansa dahil kabilang din ang serye sa listahan ng most-watched show sa Prime Video sa UAE. Labis din ang pagbuhos ng reaksyon ng viewers online tungkol sa bawat episode nito lalo pa at unti-unting nabubunyag ang mga sikreto ng bawat karakter.

 

Sa nakaraang episode, muling ipinatigil ni Ana (Janine Gutierrez) si Beth (Sofia Andres) sa pagsasagawa ng paglo-loyalty test kay Ben (Jericho Rosales) dahil naniniwala siyang hindi siya niloloko ng kanyang asawa sa kabila ng mga kahina-hinalang kilos nito.

 

Mas tinuon na lang ni Ana ang kanyang sarili sa pagsuporta sa asawang si Ben matapos itong mapagbintangan na pumatay kay Antonio (Bernard Palanca).  Kalaunan ay lumabas na si Nathalie ang nasa likod ng pagpatay. Nakatulong din ang pangyayari kay Ben lalo pa at nabunyag ni Antonio ang lihim na pagkikita nila ni Mara (Yassi Pressman).

 

Mas lalo naman nagdulot ng mga tanong ang ginawa ni Ben matapos mapanood ng viewers kung paano niya pinatay ang private investigator ni Antonio. Dahil dito, patuloy na hinahanap ng mga manonood ang sagot kung ano pa ang itinatago ni Ben at kung nanatili ba talaga siyang tapat kay Ana.

 

Samantala, ibinahagi nina Janine at Jericho na hindi naging madali sa kanilang isabuhay ang kanilang mga karakter sa serye.

 

Ani ni Janine, “Throughout the script, nare-reveal sa akin yung important things about her. Grateful talaga ako kay Direk Mae because she really helped me find Ana.”

 

“The character scared me. I think gray characters are the most interesting characters to play,” ayon kay Jericho.

 

Habang patuloy na lumalabas ang mga bagong sikreto sa likod ng kanilang mga karakter, asahan pa ang mas marami pang rebelasyon at pasabog sa mga susunod na episode ng “The Loyalty Game.”

 

Abangan ang bagong episodes ng “The Loyalty Game” tuwing Biyernes, eksklusibo sa Prime Video.

 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 6 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

"The Loyalty Game” nina Jericho at Janine, nangungunang serye sa Prime Video PH