Jojo Mendrez, emosyonal na inawit ang "Yakap" sa PMPC Star Awards for Music
July 09, 2026 AT 05:50 PM
Madamdaming bersyon ng OPM classic
Hatid ng Revival King na si Jojo Mendrez ang tamis ng pag-ibig sa pangalawang pagkakataon sa kanyang madamdaming pag-awit ng latest single na “Yakap” sa ginanap na 17th PMPC Star Awards for Music, kung saan isa siya sa mga nagsilbing guest performer.
Unang pinasikat ang itinuturing na OPM classic na “Yakap” ni Junior taong 1979. Tungkol ito sa masayang pagbabalik sa taong minamahal pagkatapos ng masakit na paghihiwalay at pananabik.
Inilabas ni Jojo ang kanyang fresh remake noong Mayo habang napapanood na sa ABS-CBN Star Music YouTube channel ang official lyric video nito.
Nagmula ang “Yakap” sa panulat nina George Canseco, Junior, at Fernando Egea. Samantala, ang bagong bersyon nito ay inareglo ni Tommy Katigbak, mixed at mastered ni Dan Tanedo, at prinodyus ni ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo.
Bago ang “Yakap,” inilunsad din ni Jojo ang mga awiting “Nandito Lang Ako,” “Somewhere In My Past,” at “Valentine” na napapakinggan sa iba’t ibang radio stations at digital platforms. Inilabas din ng negosyante at concert producer ang “Ngayong Pasko’y “Ikaw Pa Rin” para sa Kapaskuhan noong nakaraang taon.