News Releases

English | Tagalog

Angeline, ipagdiriwang ang mga pangarap na natupad sa "AQuinse" concert

July 17, 2026 AT 10:48 PM

Isang pagbabalik-tanaw sa naging musical journey ng Power Diva sa loob ng 15 taon

Isang bonggang selebrasyon ng bawat pangarap na natupad ni Angeline Quinto sa loob ng nagdaan 15 taon ang aabangan sa “AQuinse” concert sa Agosto 22 (Sabado) sa Araneta Coliseum.

Magbabalik-tanaw ang Power Diva na kilala sa kanyang signature hit na “Patuloy Ang Pangarap” sa mga mahahalagang pangyayari sa buhay niya simula nang magwagi siya sa reality singing competition ng ABS-CBN na “Star Power” noong 2011 hanggang sa maging isa sa mga tinitingalang singers ngayon.

“Itong concert na ito, talagang very personal siya para sa akin dahil sa loob ng 15 years, napakaraming nangyari sa kwento ko na gusto kong maibahagi sa mga tao. May mga nakakaiyak, mga nakakatuwa, nakaka-inspire, at mga nakaka-inlove,” kwento ni Angeline.

“Ang lahat ng pangyayaring iyon, I’m sure may isang kanta na tumatak talaga sa puso ko at sa puso ng mga supporters ko na gusto kong balikan. Pag narinig nila sa August 22, magbabalik yung ganung pakiramdam, yung gusto ko na parang napaka-nostalgic ng feeling,” dagdag pa niya.

Makakasama ni Angeline bilang special guests sina Erik Santos, Skusta Clee, Viñas Deluxe, Brigiding, at Precious Paula Nicole (Divine Divas), Baby Dolls, at iba pa.

Mabibili na ang tickets sa  “AQuinse: The Angeline Quinto 15th Anniversary Concert sa Ticketnet sa halagang P8,999 (Super VIP), P7,999 (SVIP), P6,999 (VIP), P4,999 (Patron A), P3,999 (Patron B), P2,9999 (Lower Box), P1,999 (Upper Box), at P950 (Gen Ad).

Makisaya sa pagbabalik-tanaw ni Angeline sa “AQuinse” concert ngayong Agosto 22 sa the Big Dome. Para sa karagdagang detalye tungkol sa kanyang musika, sundan ang Star Music PH sa  Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, and YouTube.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

Angeline, ipagdiriwang ang mga pangarap na natupad sa "AQuinse" concert