News Releases

English | Tagalog

Coco, ramdam ang pagmamahal ng mga Pilipino para sa “Sigabo”

July 03, 2026 AT 11:35 PM

Mga karakter nina JM, Chanda, at iba pa, ipinakilala na!

 

 

Masaya ang puso ni Coco Martin sa patuloy na pagmamahal at pag-suporta ng mga Pilipino sa “Coco Martin’s Sigabo,” habang mas titindi pa ang aksyon sa serye sa pagpasok ng mga bagong karakter.

“Napakasarap sa pakiramdam na na-appreciate nila at talagang tinatangkilik nila gabi-gabi. Sagaran talaga kumbaga ‘yung lahat ng malalaking aksyon, maraming mga artistang papasok, dere-deretcho na. Kung anong deserve ng mga Pilipino ‘yun ang binigay namin,” pahayag ng Hari ng Aksyon sa Ating Henerasyon sa “TV Patrol” interview.

Natutuwa naman si Prime Actress Julia Montes na patok din sa mga manonood ang mga nakakatawang banat at good vibes na mga eksena sa serye.

“Isa sa pinaka-happy ako na na-discover ng maraming tao ‘yung talent ni Coco sa comedy. Abangan niyo pa kung gaano pa ka-fun and ano pa ‘yung pasabog ng ‘Coco Martin’s Sigabo,'” kwento ng aktres.

Handog naman ng serye ang mas matitinding aksyon at pasabog sa kwento sa pagpasok ng mga karakter nina JM De Guzman, Chanda Romero, Efren Reyes Jr., Ron Martin, at iba pang respetadong artista sa pagsabak ni Gabo (Coco) sa kanyang unang misyon bilang secret agent.

Samantala, pagkatapos dumugin ng mga taga-suporta ang nationwide motorcade ng “Sigabo,” ang cast members naman ngayon ang bumisita sa iba’t ibang tahanan sa Tondo, Divisoria, Baclaran, Cavite, at Cebu para sorpresahin at pasalamatan ang mga Kapamilya sa walang sawang suporta para sa serye.

Mas maraming Pilipino na ang makakanood ng “Coco Martin’s Sigabo” sa iba’t ibang platforms kung saan available ito Lunes hanggang Biyernes ng 8 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para makakuha ng updates sa “Coco Martin’s Sigabo,” bisitahin ang sigabo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE