Mula sa tawagang “twins” noong kanilang “Pinoy Big Brother” days, magkapatid na ngayon sa isang serye sina Esnyr Ranollo at Bianca De Vera sa bagong vertical microdrama ng ABS-CBN Studios at iWant na “Half Sisters.”
Gaganap sina Esnyr at Bianca bilang magkapatid sa ama na sina Ramon at Emily, habang makakasama nila rito si Brent Manalo.
Sa inilabas na look test, makikita si Esnyr bilang Ramon kasama si Brent. Bagama’t nananatiling misteryoso ang kanilang mga papel, ipinahihiwatig ng eksena ang mga masaya at hindi inaasahang sitwasyong haharapin ng kanilang mga karakter.
Kinatuwaan din ng fans ang roles nina Esnyr at Bianca dahil matagal na nilang tinatawag na “twins” ang isa’t isa mula pa noong “PBB.” Ngayon, tila nagkatotoo ang kanilang biruan dahil magkapatid na sila sa kanilang bagong proyekto.
Unang vertical microdrama ng Star Creatives ang “Half Sisters,” kasunod ng mga hit serye na “The Loyalty Game” at “The Secrets of Hotel 88.” Sa direksyon ni Julius Alfonso, tampok sa serye ang isang magaan at nakaaaliw na kuwento na idinisenyo para sa short-form at mobile viewing.
Mapapanood ang “Half Sisters” sa iWant ngayong Setyembre.
Mag-subscribe sa iWant at sundan ang official Facebook, TikTok, X, Instagram, at YouTube accounts nito para sa updates.
Para sa iba pang balita mula sa ABS-CBN, sundan ang @ABSCBNPR sa social media o bisitahin ang ABS-CBN Newsroom.





