“Pili, Pinas!” magaganap na ngayong Agosto 30
Nakatakda nang ilunsad ng ABS-CBN sa Lunes (Agosto 17) ang 10 kantang maglalaban-laban para maging official entry ng Pilipinas sa Eurovision Song Contest Asia 2026.
Magaganap naman ang pagpili sa “Pili, Pinas! Philippine Selection Night” sa darating na Agosto 30 (Linggo).
Taon-taong ginagawa ang Eurovision Song Contest na isang international TV music competition na binuo ng European Broadcasting Union. Sa unang pagkakataon, magaganap ang inaugural competition nito sa Asya sa Nobyembre 14 sa Bangkok, Thailand. Nagsisilbing broadcast partner ng competition ang ABS-CBN para sa paglahok ng Pilipinas.
Kabilang sa mga awitin na pagpipilian ang “Between Bituin” ni isinulat ni Jungee Marcelo at inawit ng DNA; “Broken Beyond Repair” na mula sa komposisyon ni Angelo Gonzales at binigyang-buhay ni SAGA; “Cheri(e)” na isinulat ni Nar Cabico, na siya ring umawit nito kasama sina Elha Nympha, Esang de Torres, at Lance Reblando; at “Di ‘Yan (Red Flag)” na binuo ni Jason Marvin Hernandez at kinanta nina Jason Dy at Sassa Dagdag.
Bahagi rin ng song entries ng bansa ang “Good For You” mula sa komposisyon ni Hazel Faith at inawit ni Ryssi Avila; “Make It Exist” na isinulat ni Angelo Calucin at binigyang-buhay ng grupong AJAA; at “Mapadama” na nilikha nina Jungee Marcelo at Jeremy Glinoga at inawit naman nina JM dela Cerna at Marielle Montellano.
Kasama rin sa mga kantang maglalaban-laban ang “Reason to Leave” na isinulat ni Stephen Tan at inawit ni KHIMO; “Round N’ Round” na mula sa komposisyon nina Julius James de Belen at John Michael Conchada at binigyang-buhay ng Vvink at ni WRIVE Russu; at “Sobra-Sobra” na nilikha nina Nica del Rosario at Mat Olavides at inawit ni Carmelle.
Mapapakinggan na sa iba’t ibang music streaming platforms ang mga nasabing awitin simula Lunes (Agosto 17), 6pm. Abangan din ang mapipiling entry ng bansa sa Eurovision Song Contest Asia 2026 sa “Pili, Pinas: Philippine Selection Night” sa Agosto 30.











