Kakaibang love story na may halong tema ng esports ang mapapanood ng Pinoy sa Chinese romantic drama na “Falling Into Your Smile,” tampok ang ilan sa hinahangaang Chinese stars na sina Xu Kai at Cheng Xiao, ngayong Lunes (Aug. 17), 10:15 PM sa ALLTV2, Kapamilya Channel, A2Z, at iWant.
Lubos na pinag-usapan at naging global sensation ang serye noong una itong ipinalabas dahil sa magkahalong timpla nito ng romansa, komedya, pagkakaibigan, at competitive esports.
Muling masisilayan ng Pinoy viewers si Xu Kai na unang napanood sa “Story of Yanxi Palace” na unang umere sa ABS-CBN taong 2020. Kilalanin ang kanyang karakter na si Lu Sicheng, ang mahusay ngunit tila supladong captain ng ZGDX. Makakatambal niya rito si Cheng Xiao na gaganap naman bilang si Tong Yao, isang mahusay na gamer na magiging parte ng kanyang team.
Sa kwento,haharapin ni Tong Yao ang matinding hamon ng pagiging bahagi ng isang all-male team habang pinatutunayan ang kanyang kakayahan sa competitive esports. Mas magiging makulay ang kanyang journey nang mapalapit siya sa kanyang team captain na si Lu Sicheng.
Makikita nga ng publiko ang mala-aso’t pusa nilang turingan sa simula hanggang sa unti-unting pagbabago ng kanilang samahan. Mananatili kaya itong simpleng professional relationship, o may iba pa kayang mabuong koneksyon sa pagitan nila?
Abangan ang kilig at aksyon sa mundo ng esports sa “Falling Into Your Smile,” ngayong Lunes (Aug. 17), 10:15 PM sa ALLTV2, Kapamilya Channel, A2Z, at iWant.



