Inilunsad na ng Ultimate Star na si Jennylyn Mercado ang kanyang multi-genre album na “JEN” Deluxe kasabay ng paglabas ng short film nito na nagtatampok sa kwentong buhay at pag-ibig na nakapaloob sa kanyang Star Music project.
“This is a story of love. Iba’t ibang klaseng pagmamahal–pagmamahal sa sarili, pagmamahal sa craft, pagmamahal sa ibang tao, sa partner mo,” ani Jennylyn.
“Meron kaming medyo dance pang mga Gen Z. Meron kaming love songs, dun ako nanggaling sa hugot love songs so hindi namin inalis yun. Merong masasakit, merong masasaya. Sinigurado namin lahat ng genre meron para ma-enjoy ng lahat,” dagdag pa niya.
Hango ang pangalan ng “Jen” Deluxe album sa palayaw ng Kapuso singer-actress at nagtatampok ito ng walong kanta kabilang ang dalawang bagong awitin na “Tutuloy Pa Ba?” at “Hindi Man Masabi.”
Kasama rin sa album ang mga nauna nang inilabas na kanta: “Paulit Ulit Kang Pipiliin,” “Sa Gitna,” “Hihintayin Kita,” “Kung Nandito Ka Pa,” “Ayaw Pang Umuwi,” at “Hindi Pa Rin Sapat.” Tampok ang anim na awitin sa orihinal na “JEN” EP na inilunsad noong Mayo 2025 at nagsilbing comeback music project ni Jennylyn pagkatapos ng siyam na taon.
Handog naman ng short film ang makabagong take sa biswal na pagkukwento gamit ang musika ng album. Kumuha ito ng inspirasyon sa personal na mga karanasan ni Jennylyn.
“Buhay ko ito, kung paano ako nagsimula, ang mga pinagdaan kong struggles at emosyon,” kwento niya.
Tampok sa nasabing short film ang Kapuso Drama King at asawa ni Jennylyn na si Dennis Trillo. Nagmula ito sa direksyon ni Irene Villamor sa ilalim ng produksyon ng You Me Us.
Para sa impormasyon tungkol sa musika ni Jennylyn, sundan ang Star Music sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

