Pipiliin ang magwawagi sa pamamagitan ng jury at public votes
Isang bonggang selebrasyon ng OPM ang magaganap ngayong Linggo (Agosto 30), 9:45 PM sa paglalaban-laban ng 10 orihinal na song composition para sa “Eurovision Song Contest Asia 2026: Philippine Selection Night.”
Pangungunahan ni Vice Ganda bilang host ang live musical showdown na ipapalabas nang libre sa iWant. Mapapanood din ito nang live sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Onlive Live. Ipapalabas din ito worldwide sa pamamagitan ng TFC at magkakaroon ng delayed telecast sa MYX.
Abangan ang mga performer na maghahatid ng natatanging kwento ng mga kanta sa New Frontier Theater stage: ang P-pop group na DNA para sa komposisyon ni Jungee Marcelo na “Between Bituin;” “Tawag ng Tanghalan” alumnus na si SAGA para sa “Broken Beyond Repair” ni Angelo Gonzales; Elha Nympha, Esang de Torres, Lance Reblando, at Nar Cabico para sa isinulat ni Nar na “Cheri(e); Jason Dy at Sassa Dagdag para sa “Di Yan (Red Flag)” entry ni Jason Marvin Hernandez; at “Idol PH” alumna na si Ryssi Avila para sa kantang binuo ni Hazel Faith Santos na “Good For You.”
Mapapanood din ang AJAA para sa performance ng “Make It Exist” na isinulat ni Angelo Calucin; “TNT Duets” champ JM dela Cerna at Marielle Montellano para sa “Mapadama” na mula sa komposisyon nina Jeremy G at Jungee Marcelo; “Idol PH” season 2 winner KHIMO para sa “Reason to Live” ni Stephen Tan; P-pop group VVINK at si WRIVE Russu para sa “Round N’ Round” entry nina Bojam de Belen at John Michael Conchada; at ‘TNT: The School Showdown” winner na si Carmelle para sa kantang “Sobra-Sobra” mula kina Nica del Rosario at Mat Olavides.
Mapipili ang “Eurovision Song Contest Asia 2026: Philippine Selection Night” winner sa pamamagitan ng mga boto mula sa jury at sa publiko: 40% mula sa jury, 40% mula sa mga manonood sa Pilipinas, at 20% mula sa mga manonood na nasa ibang panig ng mundo.
Ang magwawagi ay magiging opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa “Eurovision Song Contest Asia 2026” sa Bangkok, Thailand sa Nobyembre 14.
Isang sikat na international TV music competition ang Eurovision na mula sa European Broadcasting Union. Mas maraming manonood ang maaabot nito ngayon sa kauna-unahang edisyon nito sa Asya. Nagbibigay rin ito ng global platform sa mga Filipino artist upang maipamalas ang mayamang pagkukuwento at natatanging tunog ng bansa.


