Kunwari lang ang pagiging mag-asawa nina Gabo at Sam sa “Coco Martin’s Sigabo,” pero totohanan ang kilig na hatid nina Coco Martin at Julia Montes sa viewers at netizens dahil sa kanilang natural na chemistry at mga eksenang punong-puno ng lambingan.
Lalo pang kikiligin ang CocoJul fans sa mga susunod na episode dahil mapapanood sina Gabo (Coco) at Sam (Julia) na sweet na nagsasayaw at nagpapalitan ng matatamis na ngiti sa birthday party ni Rudy (Joey Marquez), ang ama ni Gabo.
Sa kabila ng kanilang masayang pagsasama, hindi pa rin nalilimutan ni Sam ang tunay niyang pakay. Nagpapanggap siyang may amnesia upang maimbestigahan si Gabo at malaman ang koneksyon nito sa kaaway niyang pamilya ng mga Zafra.
Ngunit habang nagpapatuloy ang kanilang pagpapanggap, tila unti-unti na ring nagiging totoo ang kanilang nararamdaman. Patuloy namang umaarangkada ang kilig at good vibes na hatid ng kanilang mga eksena gabi-gabi.
“Gusto namin kahit papaano makapagbigay kami ng inspirasyon, kilig, at saya sa bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng ‘Sigabo,’ sa munting oras na nakakasama natin sila gabi-gabi, sana’y napapaligaya natin sila, napapatawa, at nare-reminisce ’yung mga mag-asawa. At siyempre, para magkaroon din ng inspirasyon ang mga kabataan,” sabi ni Coco sa behind-the-scenes video na inilabas ng CCM Film Productions.
Hindi naman puro lambingan ang mangyayari sa birthday party ni Rudy. Mauuwi sa mainit na angasan ang selebrasyon sa pagdating at panggugulo ng grupo ni Django (Jhong Hilario).
Hanggang kailan maitatago nina Gabo at Sam ang kanilang mga lihim? At ang kunwariang pagmamahalan ba nila ay mauuwi sa totohanan?
Huwag palampasin ang kilig at masasayang eksena sa “Coco Martin’s Sigabo” gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Para makakuha ng updates sa “Coco Martin’s Sigabo,” bisitahin ang sigabo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.




