News Releases

English | Tagalog

"Sobra-Sobra" ni CARMELLE, napiling panlaban ng Pilipinas sa "Eurovision Song Contest Asia"

September 01, 2026 AT 01:02 AM

Iwawagayway ang bandera ng bansa sa Thailand sa Nob. 14

Ang women empowerment anthem na “Sobra-Sobra,” na isinulat nina Nica del Rosario at Mat Olavides at inawit ni CARMELLE, ang nagwagi sa “Eurovision Song Contest Asia 2026: Philippine Selection Night.”

 

Si CARMELLE, na naging “Tawag ng Tanghalan: The School Showdown” champion, ang magiging kinatawan ng bansa sa kauna-unahang Eurovision Asia na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Nobyembre 14.  

 

Nagpamalas din ng natatanging performance ang pinangalanang second placer na si SAGA na inawit ang “Broken Beyond Repair” entry ni Angelo Gonzales sa ginanap na “Philippine Selection Night” noong Agosto 30 sa New Frontier Theatre.

 

Nasungkit naman nina JM Dela Cerna at Marielle Montellano, o JMielle, ang third place award sa kantang “Mapadama” na mula sa komposisyon nina Jeremy G at Jungee Marcelo.  

 

Kabilang sa mga pinagpiliang kanta ang “Between Bituin” ni Jungee na inawit ng DNA; “Cheri(e)” ni Nar Cabico na kinanta nina Esang, Elha, Lance Reblando, at Nar; “Di Yan (Red Flag)” ni Jason Marvin na binigyang-buhay nina Jason Dy at Sassa; “Good For You” ni Hazel Faith Santos at inawit ni Ryssi Avila; “Make It Exist” ni Angelo Calucin na binigyang-buhay ng AJAA; “Reason to Live” ni Stephen Tan na kinanta ni KHIMO; at “Round N’ Round” nina Julius James de Belen at John Michael Conchada at inawit ng VVINK at ni WRIVE Russu.

 

Napili ang mga nagwagi mula sa kombinasyon ng jury at public votes: 40% votes mula sa jury, 40% mula sa viewers na nasa bansa, at 20% votes mula sa mga manonood na nasa ibang panig ng mundo.

 

Kasama sa jury panel ang veteran songwriter at FILSCAP president na si Nonoy Tan, ang concert at TV director na si Joane Laygo, songwriter na si Choi Padilla, musical director na si Louie Ocampo, at OPM singers na sina Angeline Quinto, Jed Madela, at Vina Morales.

 

Nagbukas ang programa sa espesyal na awiting “Mabuhay ang Musikang Pilipino” na binuo ni Mr. Music, Jonathan Manalo, para sa kompetisyon at inawit ng AZTER at nina Bryan Chong, Ian Manibale, Klarisse de Guzman, Lyka Estrella, MIAH, at Reiven Umali.  

 

Nagsisilbing official broadcaster ng “Eurovision Song Contest Asia 2026” ang ABS-CBN, kaugnay ng misyon nito na ibida ang musika, kwento, at talento ng mga Pilipino sa international stage.  

 

Pinangunahan ni Vice Ganda ang “Philippine Selection Night” bilang host, kasama sina Alexa Ilacad at Darren. Ipinalabas ito sa iWant, ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live. Napanood din ito sa TFC at may delayed telecast sa MYX.

 

Patok din ang event sa X, patunay ang iba’t ibang related topics na nanguna sa trending list ng nasabing platform sa bansa, kabilang na ang #PhilipineSelectionNight, #EurovisionAsia, at #PSN2026. 

-30-

"Sobra-Sobra" ni CARMELLE, napiling panlaban ng Pilipinas sa "Eurovision Song Contest Asia"