Kauna-unahang vinyl album ng Queen of R&B, inilabas na
Panibagong milestone ang ipinagdiriwang ng Queen of R&B na si Kyla sa kanyang music career sa paglabas ng vinyl edition ng album niyang “Next Episode,” kasabay ng bagong visualizer para sa kanyang single na “Bring Your Jacket.”
Ibinahagi ni Kyla ang pasasalamat sa paglabas ng “Next Episode” vinyl na mabibili sa Backspacer Records. Para sa Kapamilya singer, espesyal ang pagkakaroon ng physical album lalo na ngayon na mas karaniwang nakikinig ang mga tao sa pamamagitan ng streaming platforms.
“As a batang 90s, as a millennial, nare-relish ko yung ganitong pagkakataon na nagkakaroon uli ng physical copies ng albums, especially ngayon kasi lahat nasa streaming. Iba yung value as when you have a physical copy kasi you grow with the songs,” saad niya.
Ibinahagi rin ni Kyla na binubuo niya ang deluxe version ng “Next Episode,” na maglalaman ng mga bagong awitin.
Kasabay ng vinyl release, inilabas din ni Kyla ang visualizer ng “Bring Your Jacket,” isang feel-good song tungkol sa pagpapapahayag ng damdamin nang hindi direktang sinasabi ang mga salitang ‘I love you.’
“It’s a song about the many ways you can say ‘I love you’ to someone that you like or you love without having to say the words ‘I love you,’” kwento niya. “It’s a beautiful song and it has a good vibe that you can listen to while driving.”
Samantala, isa pang milestone ang nakamit ni Kyla matapos siyang ma-nominate sa 2026 Awit Awards para sa Best R&B Recording para sa kanyang awiting “Stand Up.”
“Masaya ako kasi parang ang tagal na since no’ng huling nagkaroon ako ng nomination. I’m just hoping for the best whatever the outcome is,” pahayag niya.
Unang inilabas ang “Next Episode” noong Oktubre 2025 na tampok ang mga awiting “Stand Up,” “Kaya Ko Yan,” at “Back to Bliss,” bukod sa iba pang tracks.
Napapakinggan ang “Next Episode” ni Kyla sa iba’t ibang digital streaming platforms at mabibili rin ang vinyl edition nito sa Backspacer Records. Mapapanood naman ang visualizer ng “Bring Your Jacket” sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa ibang detalye, i-follow ang Star Music sa Facebook, X , Instagram, TikTok, at YouTube.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.




