Tampok ang “Philippines’ Most Shocking Stories,” “Philippines’ Oddest Jobs,” at “Oh My Gan!”
MGA DIGITAL SHOW NG ABS-CBN NEWS, MAPAPANOOD NA RIN SA FREE TV
Bukod sa YouTube, mapapanood na rin sa free TV ang digital shows ng ABS-CBN News, kabilang ang mga dokyuseryeng “Philippines’ Most Shocking Stories” at “Philippines’ Oddest Jobs,” pati ang celebrity chikahan sa “Oh My Gan!”
Nagbabalik ang “Philippines’ Most Shocking Stories” para maghatid ng iba pang kagimbal-gimbal na mga kwento ng krimen sa ikaapat na season nitong palabas na sa YouTube. Mapapanood na rin ang dokyuserye sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live simula Setyembre 6 (Linggo), 4:30 PM.
Para sa unang TV episode nito, babalikan ng programa ang karumal-dumal na Sablan Massacre sa Benguet noong 1992, na tinaguriang isa sa mga madudugong extrajudicial cases na naitala. Sa pagkapaslang ng tatlong kababaihan, milagrong nakaligtas si Myrna Diones na siyang nagsilbing susi sa pagkakakulong ng mga akusado.
Ipalalabas din sa telebisyon ang mga hindi pangkaraniwang hanap-buhay ng iilang Pinoy sa “Philippines’ Oddest Jobs” simula Setyembre 5 (Sabado), 4:45 PM sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live. Ilan sa mga bibigyang pasilip ay ang mga kakaibang trabaho bilang estero cleaner, pool slide tester, tagabalat ng bawang, kalyo specialist, at iba pa.
Samantala, hatid naman ng resident Star Patroller na si Ganiel Krishnan ang mga makabuluhang kwentuhan kasama ang paborito ninyong artista at personalidad sa “Oh My Gan!” na napapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes, 9:30 AM sa A2Z at 10:30 AM sa ALLTV2, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live.
Ilan sa mga makakasama ni Ganiel sa chikahan sina Gerald Anderson, Elijah Canlas, Carmi Martin, Epy Quizon, Rita Avila, Sassa Gurl, Mela Habijan, at iba pa.
Mapapanood pa rin ang bagong episodes ng “Philippines’ Most Shocking Stories” tuwing Martes, “Philippines’ Oddest Jobs” tuwing Huwebes, at “Oh My Gan!” tuwing Miyerkules at Biyernes sa ABS-CBN News YouTube channel.
Bisitahin at mag-subscribe sa ABS-CBN News YouTube channel para sa iba pang eksklusibong dokumentaryo at special features nito.
Para sa iba pang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.
