News Releases

English | Tagalog

BGYO, nagpakilig bilang leading men sa microdrama na "Vertical On Demand"

September 04, 2026 AT 04:51 PM

Alexa Ilacad, Joy Barcoma, Kolette Madelo at Reign Parani, tampok din sa serye

Iba’t ibang kuwento ng pag-ibig ang hatid ng BGYO members na sina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate bilang leading men sa microdrama series na “Vertical On Demand,” na napapanood sa BGYO Official YouTube channel.

Hango ang vertical drama sa mga kanta ng kanilang latest EP na “On Demand” na umani ng 2.5 million streams sa Spotify. Binibigyang-buhay nito ang iba’t ibang kwento tungkol sa pag-ibig, dating, relasyon, at mga kilig at pagsubok na kaakibat nito. 

Sa unang episode na “Life’s Too Short,” na pinagbidahan nina Akira, JL, at Reign Parani. Isang binatang  nag-iipon ng lakas ng loob si Jules (Akira) para aminin ang kanyang nararamdaman kay Diane (Reign). Sa tulong ng best friend niyang si Red (JL), naghanda siya ng surprise date na maaaring maging daan para tuluyang maipagtapat ang kanyang damdamin.

Kwelang chemistry naman ang hatid nina JL at Joy Barcoma sa ikalawang episode na “Mean Girl.” Hindi malaman ni Brian (JL) kung paano mapapasaya ang girlfriend niyang si Trish (Joy) matapos nitong hindi magustuhan ang bawat dating spot na kanyang iminungkahi, na nauwi sa nakakaaliw at sweet nilang pagtatalo bilang magkasintahan.

Mas emosyonal na kuwento naman ang hatid nina Gelo at Alexa Ilacad sa ikatlong episode na “Raindrop.” Ipinagdiriwang nina James (Gelo) at Kai (Alexa) ang kanilang anibersaryo habang binabalikan ang masasayang alaala ng kanilang relasyon. Ngunit sa gitna ng kanilang date, unti-unting lumalabas ang tensyon na matagal nang namamagitan sa kanila.

Samantala, nagtagisan sina Mikki at Nate sa latest episode na “Trono,” kung saan pareho silang excited na naghihintay sa kanilang date kasama si Kolette Madelo. 

Bago inilunsad ang serye, umikot ang BGYO sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa kanilang mall tour kung saan pinasaya nila ang ACEs sa SM City Telabastagan, SM City Novaliches, SM City Sto. Tomas, SM City Baguio, SM Southmall, at SM Lanang.

Panoorin ang “Vertical On Demand” series sa BGYO Official YouTube channel at pakinggan ang “On Demand” EP sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa updates, sundan ang @bgyo_ph sa Facebook, X, Instagram, TikTok, at mag-subscribe sa BGYO Official YouTube channel. 



PHOTOS

DOWNLOAD ALL 14 PHOTOS FROM THIS ARTICLE