Mapapanood ngayong Setyembre 7 (Lunes) sa ABS-CBN News YouTube channel, ANC, at iWant
Bibigyang-boses ng award-winning actress na si Jodi Sta. Maria ang pinakabagong dokumentaryo ng ABS-CBN News na “Hindi Suntok sa Buwan ang Kapayapaan,” kung saan tampok ang mga kuwento ng kababaihang Bangsamoro na nasa unahan ng pagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon.

Sa panulat ni ABS-CBN News senior producer Dianne RJ Obdin at Palanca award-winning journalist na si Jeff Canoy, iikot ang dokumentaryo sa kwento ng tatlong kababaihan na dating miyembro ng Bangsamoro Islamic Women Auxiliary Brigade (BIWAB) at Moro Islamic Liberation Front (MILF), at ang kanilang transisyon sa buhay-sibilyan matapos ang 2014 peace deal sa panig ng gobyerno at MILF.
Ito ang unang sabak ni Jodi sa mundo ng dokumentaryo. Aniya, “I feel honored to be able to do this. I was reading the material at ang dami ko rin natutunan, Na-excite ako about what’s happening next for these women. Peace is something na matagal nilang inasam…they were praying, yearning, and wishing for more. Hindi lang ‘yong mga kababaihan but the whole community is in transition.”

Matatandaan ding kabilang si Jodi sa cast ng 2001 film na “Bagong Buwan” ni Direk Marilou Diaz-Abaya, na sumentro rin sa mga engkwentro sa Mindanao at mga epekto nito sa mga ordinaryong mamamayan.
Nagpasalamat din ang ABS-CBN News head na si Francis Toral sa partisipasyon ni Jodi sa naturang dokumentaryo. Ika niya, “We were looking for a particular voice that could carry the weight of powerful stories about women searching for purpose in the aftermath of conflict. Jodi’s narration brings life and empathy to these stories that are not often seen and heard.”

Mapapanood ang dokumentaryong “Hindi Suntok sa Buwan ang Kapayapaan” ngayong Lunes (Setyembre 7), 8 PM sa ABS-CBN News YouTube channel, ANC, at iWant.
Bisitahin at mag-subscribe sa ABS-CBN News YouTube channel para sa iba pang eksklusibong dokumentaryo at special features nito.
Para sa iba pang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.
