TV Ratings

English | Tagalog

ABS-CBN buong taong nanguna noong 2018

January 04, 2019 AT 04:57 PM

ABS-CBN ang pinakapinanood na network noong 2018 pagdating sa paghatid ng makabuluhang balita at kwentong puno ng aral matapos nitong magkamit ng average audience share na 45%, o 13 puntos na lamang kumpara sa 32% ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.

Buong taon ngang tinutukan sa bawat sulok ng bansa ang ABS-CBN, partikular na sa Mega Manila sa pagtala nito ng average audience share na 36%, kontra sa 34% ng GMA, at maging sa Metro Manila sa pagrehistro nito ng 42%, laban sa 26% ng GMA. Nanguna rin ang ABS-CBN sa Total Luzon sa pagtala nito ng 40%, kumpara sa 35% ng GMA; sa Total Visayas sa pagkamit nito ng 53%, kontra sa 26% ng GMA; at sa Total Mindanao sa pagrehistro nito ng 52%, laban sa 28% ng GMA.

Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 na urban at rural homes.

Namayagpag din ang ABS-CBN sa listahan ng pinakapinanood na programa noong 2018, matapos 16 sa palabas nito ang nakapasok sa top 20, na pinangunahan ng “FPJ’s Ang Probinsyano” (41.2%).

Kasama rin sa listahan ang Pilipinas Got Talent” (38.1%),  “Your Face Sounds Familiar Kids” (33.3%), “Bagani” (31.8%), “La Luna Sangre” (31.4%), “TV Patrol” (30.5%), “Ngayon at Kailanman” (28.8%), “MMK 25” (27.2%), at “The Kids’ Choice” (26.2%). Nanguna rin noong 2018 ang “Wansapanataym” (25.7%), “Home Sweetie Home Walang Kapares” (23.4%), “Wildflower” (23.3%), “Home Sweetie Home” (23.2%), “Halik” (22%), “Meteor Garden” (21.6%), at “Rated K” (19.8%).

Samantala, tinutukan din ang ABS-CBN sa bawat time blocks noong 2018, partikular na sa primetime block sa pagtala nito ng 49%, o 17 puntos na lamang sa 32% ng GMA. Ang primetime block ang pinakaimportante parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilpino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.

Panalo rin ang Kapamilya network mula Enero hanggang Disyembre sa morning block (6AM-12NN) sa pagrehistro nito ng average audience share na 38%, laban sa 30% ng GMA; sa noontime block (12NN-3PM) sa pagkamit nito ng 44%, kontra sa 33% ng GMA; at sa afternoon block (3PM-6PM) sa pagtala nito ng 43%, at tinalo ang 35% ng GMA.