News Releases

English | Tagalog

"Tawag ng Tanghalan" semifinals, pagsasabungin ang guro, nurse, at apat na singers

January 22, 2019 AT 01 : 39 PM

Isang guro, isang dating nurse, at apat na nakikipagsapalarang singer ang pangmalakasang ibibida ang kanilang tinig sa ikalawang semifinals ng ikatlong taon ng “Tawag ng Tanghalan” ngayong linggo.

Hahataw nga sa kantahan ang tatlong pambato mula Luzon at tig-iisang kalahok mula Visayas, Mindanao, at Metro Manila upang makuha ang pinag-aagawang pwesto sa grand finals sa isang buong linggong bosesan sa tanghali.

Mula nga sa pagtitinda ng sampaguita, nagsumikap na magtapos ng pag-aaral si Armando Mandapat ng Parañaque hanggang siya ay maging isang music teacher. Kasabay ng pagtuturo niya sa kanyang mga estudyante ay ang pagbabahagi niya ng kanyang talento para sa pangarap na inaasam-asam.

Matapang namang humaharap sa hamon si Emil Sinagpulo ng Cavite na una nang tinalikuran ang pagiging nurse para sa pangarap na maging singer. Mahirap ang mga pinagdaanan niya upang makaabot sa “TNT” stage, pero gamit ang kanyang determinasyon, lalaban siya nang buong puwersa gamit ang kanyang tinig.

Patunay naman sa kasabihang “try and try until you succeed” si John Mark Saga ng Cavite, ang ikalawang TNT Record Holder na nanalo ng sampung magkakasunod na araw sa daily round. Nagsimulang walang bilib sa kanyang kakayahan, nabigyan ng pangalawang pagkakataon si John Mark na patunayan ang sarili matapos bigong makapasok sa grand finals ng ikalawang taon ng “TNT.”

Naging singer naman sa barko si Rose Ganda Sanz ng Pampanga, ngunit sa kabila ng mga narating na mga bansa, dala-dala niya ang poot ng kawalan ng kakayahang magkaanak. Pero nagbago ang lahat sa pagdating ng kanyang adopted child na nagsisilbing inspirasyon niya para sa kanyang laban para maging kampeon.

Halos mawala naman ang musika sa buhay ni Girlie Las Piñas mula Cebu dahil sa pagkakaroon ng diabetes ng asawa na nagdulot ng kalungkutan sa kanilang tahanan. Pero gamit ang pamilya bilang inspirasyon, makikipagtagisan siya at itatataas ang bandera ng mga Cebuano upang makatawid sa grand finals.

Minsan ding nawalan ng kumpyansa sa sarili si John Michael Dela Cerna ng Davao kung kaya’t nawalan ng ganang mag-aral matapos ang sunod-sunod na pagkabigo sa auditions. Ngayong semifinals, hindi na niya sasayangin ang panibagong pagkakataong ibinigay ng kanyang mga magulang upang maabot ang kanyang pangarap na maka-graduate at umangat sa tanghalan.

Gaya ng naging semifinals noong Quarter 1, magmumula ang 50% ng total scores mula sa mga hurado, at ang natitirang 50% naman ay manggagaling sa public votes. Para makaboto, i-type lang ang TAWAG (space) name of semifinalist at i-send to 2366.

Ngayong Sabado (Enero 26) naman iluluklok ang dalawang contender na makakapasok sa grand finals. Samantala, hahatulan sila base pagkanta nila ng kanilang awit ng pagbabago, awit ng kanilang idolo, OPM hits, awit pangmalakasan, at awit ng buhay na magpapabilib sa mga hurado at madlang people.

Sino nga kaya sa kanila ang magpapatuloy ang pangarap patungong grand finals?
 
Samantala, maaari ring mapanood online ang labanan sa Showtime.abs-cbn.com/Livestream.
 
Huwag palampasin ang good vibes na hatid ng “It’s Showtime,” tuwing tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Sundan ang “TNT” sa Facebook (fb.com/TawagNgTanghalan/) at Twitter (@tntabscbn). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.