Mitch Montecarlo Suansane proved her wit and humor could make her dreams come true as she bagged the crown at the “Miss Q and A InterTALAKtic 2019” grand finals.
Pinatunayan ng stand-up comedian na si Mitch Montecarlo Suansane na hindi lang pagpapatawa at panggagaya ang kaya niyang gawin matapos niyang magwagi sa grand finals ng “Miss Q & A InterTALAKtic 2019” sa Araneta Coliseum noong Sabado (Pebrero 23).
Tinalo ni Mitch ng Bataan ang katunggaling grand finalists base sa scores ng mga hurado dahil sa sagot niya sa tanong na “Anong isang dahilan ang pinakapumipipigil para lubusang matanggap ng lipunan ang iyong kasarian?”
Matapang itong sinagot ni Mitch na ang dahilan daw ay ang pagiging “sagrado Katoliko” ng bansa at ang pagkamulat ng mga Pilipino na babae at lalaki lamang ang nasa Bibliya. Dagdag pa niya, ang mga bakla ay “bahagi ng lahat” at ang lahat ng tao ay pantay-pantay na ginawa ng Diyos.
Natalo ni Mitch ang nag-iisang hall of famer ngayong season na si Czedy Rodriguez na itinanghal na first runner-up at ang kapwa stand-up comedian na si Chad Kinis Lustre-Reid na siya namang naging second runner-up.
Bilang “Miss Q & A InterTALAKtic 2019,” nagwagi si Mitch ng trono, trophy, at korona, P200,000 na halaga ng “pampa-fresh” package, P200,000 na halaga ng negosyo package, all-expense paid winter trip para sa dalawang tao patungong South Korea, isang bagong kotse at P50,000 na halaga ng Aficionado products, P500,000 na halaga ng “retoke” package, at P2 milyon.
Unang tumatak si Mitch sa kumpetisyon dahil sa kanyang impersonation sa idolong si Celine Dion, at muling pinatunayan ang galing sa talakan bilang isa sa mga “resbekie” na itinuloy ang laban sa resbak week, at matagumpay na nakapasok sa semifinals at sa grand finals.
Mula sa sampung grand finalists, nakapasok si Mitch sa top six, natalo ang crowd favorite na si Brenda Mage sa “Debattle” round, hanggang sa makatungtong siya sa final three.
Nagsilbing mga hurado ng “Miss Q and A InterTALAKtic 2019: The Final Chukchak… Vaklang Twooo!” sina Jugs Jugueta at Teddy Corpuz, Karylle, Ricci Rivero, Joel Cruz, Nicole Cordoves, Maymay Entrata, James Reid, Bea Alonzo, at Charo Santos-Concio.
Binuksan ng host na si Vice Ganda ang programa sa pamamagitan ng song performances suot-suot ang isang yellow gown matapos ipakilala ang mga kandidatang nakadamit ng bughaw, puti, at pula bilang simbolo ng mga kulay ng bandila ng Pilipinas.
Samantala, namahagi rin ng special awards ang “Miss Q and A” grand finals, kabilang na ang Beks in Costume para kay Elthon Bequio, Beks in Chukchak o pagpapakilala ng sarili para kay Dionisia Clara Dela Fuente, Beshie ng Bayan o Miss Congeniality para kay Brenda, Beks in Long Gown para kay Ayesha Lopez, at “Ganda Ka?” award o ang pinaka-photogenic kay Anne Patricia Lorenzo.
Sa pagtatapos ng “Miss Q and A InterTALAKtic 2019,” abangan naman sa Lunes sa “It’s Showtime” ang bagong segment nitong “KapareWho,” isang compatibility game tampok ang madlang people na edad 40 taon at pataas na maaaring dalaga o binata, biyuda o byudo na naghahanap ng second chance, pagkakaibigan at makasasama sa buhay. Tuloy-tuloy rin ang countdown ng nangungunang noontime show sa bansa sa pagdiriwang ng ikasampung taon nito ngayong 2019.
Miss Q and A 2018 Juliana Parizcova Segovia and
Miss Q and A InterTALAKtick 2019 Mitch Montecarlo Suansane