News Releases

English | Tagalog

Digitally restored version ng "Kasal?" tampok sa "Sunday's Best" ng ABS-CBN

April 10, 2019 AT 05 : 07 PM



Handa nang mambihag ng bagong henerasyon ng manonood ang pelikulang “Kasal?” ni Laurice Guillen na pinagbibidahan nina Christopher De Leon at Hilda Koronel dahil ipapalabas ang digitally restored at remastered version nito ngayong Linggo (Abril 14) sa “Sunday’s Best” ng Kapamilya Network para gunitain ang ika-39th taon nito.  

Unang minahal ng manonood ang directorial debut ni Laurice Guillen noong 1980 dahil sa makabuluhang kwento nito pati na sa galing sa pag-arte ng bidang mga artista. Isa rin ang “Kasal?” sa mahigit na 100 na classic films na na-restore ng ABS-CBN Film Archives and Restoration para mabigyan ang mga Pilipino ng pagkakataon na mapanood ang mga obra ng mga batikang direktor at para mapangalagaan din ang natatanging mga pelikula ng bansa.

Umiikot ang kwento ng “Kasal?” kina Joel (Christopher De Leon) at Grace (Hilda Koronel) na parehong gustong makalimot sa kanilang karanasan sa pag-ibig. Pero bago sila ikasal, muling makikita nina Joel at Grace ang mga taong nagdala ng dalamhati sa kanilang buhay pag-ibig. Kaya ba nina Joel at Grace na harapin ang panibagong yugto ngayon na may nagbabalik sa kanilang buhay?

Samantala, pinapalabas ng ABS-CBN ang mga pelikulang digitally restored and remastered sa “Sunday’s Best” para mas maraming Pilipino ang makapanood ng classic Filipino films bago pa man sumapit ang Centennial Year of Philippine Cinema sa Setyembre 12, 2019.

Huwag palampasin ang “Kasal?” ngayong Linggo (Abril 14) sa “Sunday’s Best” pagkatapos ng “Gandang Gabi Vice.” Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa digitally restored and remastered classics pati na sa film screenings nito, i-follow lamang ang ABS-CBN Film Restoration sa Facebook.