News Releases

English | Tagalog

Limang band vocalists, magkatunggali sa "Tawag ng Tanghalan" semifinals

April 03, 2019 AT 08 : 11 PM

Five band vocalists who use their voices for a living are fighting it out to make their dreams come true in the week-long Quarter 3 semifinals of “Tawag ng Tanghalan” on “It’s Showtime.”

Limang band vocalists na ginagamit ang kanilang boses para kumita at buhayin ang pamilya ang naglalaban-laban para sa kanilang pangarap sa isang linggong Quarter 3 semifinals ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime.”
 
Simula noong Lunes (Abril 1), pangmalakasang ipinakita ng limang contenders ang kanilang ibubuga upang makuha ang boto ng mga hurado at madlang people at makuha ang isa sa dalawang inaasam na pwesto sa grand finals.
 
Mula Quezon City ang palabang anak na si Marco Adobas na bago maging bokalista ay palipat-lipat sa trabaho bilang isang factory worker, construction worker, dishwasher, bagger, tagabenta ng satapos at kung ano-ano pa. Dahil dating pabaya sa pag-aaral, hiling niyang makabawi ngayon sa kanyang mga magulang upang bigyan sila ng magandang kinabukasan.
 
Araw-araw namang kumakanta sa gigs si Annabel Dularte ng Bulacan para itaguyod ang pamilyang sama-samang nakatira sa iisang apartment, kabilang na ang kanyang dalawang anak, ina, at kapatid na may sakit. Anumang hirap ng buhay, buong pusong lalaban at aawit si Annabel para lamang sa pamilyang kanyang inuuwian.
 
Isa naman sa dalawang taga-Samar na semifinalists si Eric Cagadas na pitong taong gulang pa lang ay sumasabak na sa mga singing contest para makatulong sa pamilya. Maliban sa pagiging kontesero, gumagawa rin siya ng campaign jingles, naglalako ng mga damit sa bara-barangay, at namimingwit pa ng isda para mapakain ang mag-anak.
 
Mula Samar din si Jonas Oñate, na naranasan nang mamalimos, maging kasambahay, at magtrabaho sa perya hanggang sa makapasok sa banda at nakapag-abroad para sustentuhan ang mga kapatid at pamangkin. Gamit ang pangmalakasang boses, susubukan niyang makuha ang tropeyo sa “Tawag ng Tanghalan” matapos ang napakaraming singing contests na kanyang sinalihan.
 
Pinakabatang semifinalist naman ang grade 12 student na si Charizze Arnigo ng Surigao, ngunit hindi siya magpapasindak sa iba pang mas may karanasang kalaban. Pangarap niyang magtayo ng parlor business, at gagamitin ang talento upang pasiglahin ang madlang people at matupad ang pangarap para sa pamilya.
 
Upang makapasok sa grand finals, kailangan nilang pabilibin ang mga hurado at madlang people na pagmumulan ng tig-50% ng kanilang total scores.
 
Isa na nga kaya sa kanila ang idedeklarang “Tawag ng Tanghalan” Year 3 grand champion?
 
Para suportahan ang paboritong contenders, iboto sila sa pamamagitan ng pag-text ng TAWAG (space) (Name of Semifinalist) at i-send ito sa 2366 para sa lahat ng networks (P1 per vote). Maaari lang makapagpadala ng isang boto ang bawat SIM card kada araw.
 
Huwag palampasin ang good vibes na hatid ng “It’s Showtime,” tuwing tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.