News Releases

English | Tagalog

Toni, magkakaroon ng bagong pamilya sa "Home Sweetie Home: Extra Sweet"

May 11, 2019 AT 12 : 20 PM

Isang bagong kabanata ang bubuksan ng karakter ni Toni Gonzaga sa kanyang buhay sa paglipat niya ng tirahan sa "Home Sweetie Home: Extra Sweet." 

 

Sa pagsisimulang muli ni Julie (Toni) sa bagong yugto ng kanyang buhay, mayroon ring mga bagong karakter siyang makakasama sa katauhan nina Vhong Navarro, Alex Gonzaga, Bayani Agbayani, at Luis Manzano. 

 

"Magkakasama kaming lahat sa isang bahay. Magakakaiba kami ng pinanggalingan at background. Kami galing kami sa isang trahedya at sila Vhong dito na sila nakatira, ako ang bagong salta habang si Alex naman kapatid ko," pagpapaliwanag ni Toni. 

 

Iikot nga ang bagong "Home Sweetie Home" sa paglipat ng pamilya nina Julie (Toni) kasama ang kanyang kapatid na sina Gigi (Miles Ocampo) at Rence (Clarence) sa pagtira sa paupahan ng kanyang Tita Oya (Rio Locsin) matapos masunugan.  Dito, makikilala nila ang kapatid nila sa ama na si Mikee (Alex) pati na ang makakasama nila sa apartment na sina Pip (Luis), Ferdie (Vhong), at Edwin (Bayani).

 

Makikigulo din sa kanilang buhay ang exchange student na si Hiro (Fumiya) at ang taga-bantay ng Pera Padala na si Bogs (Yamyam) pati na ang baranggay captain na si Capt. Frank (Bobot Mortiz). 

 

Masaya si Toni sa pagpasok Vhong, Alex, Bayani, at Luis sa naturang sitcom nang makapanayam sa set visit ng palabas.

 

"Isipin mo pa lang na makakasama mo iyong mga matalik mong kaibigan at kapatid, wala na mas mapapa- Home Sweetie Home sa ganitong setting," saad niya

 

Excited din sina Vhong, Bayani, at Luis na makabilang sa show kasama dahil ilang taon na din noong huli nilang sitcom at makasama muli si Toni. Samantala, unang beses naman nilang makakasama si Alex sa isang comedy show. 

 

Bukod sa apat na beteranong komedyante, masusubukan naman ang tandem nina Fumiya Sankai at Yamyam Gucong sa kanilang unang sabak sa sitcom.

 

Ayon sa dalawa, sobrang nagpapasalamat sila at kinabahan din dahil ito ang kanilang unang palabas. Dagdag ni Fumiya, ginabayan naman sila ni Toni sa unang taping day nila. 

 

"First time ko sa acting tapos Tagalog pero lumapit si Toni tapos sinabi niya na pwedeng magkamali sa taping kaya naka-relax ako," saad ng "PBB Otso" housemate. 

  

Huwag palampasin ang bagong makakasama ni Julie sa kanyang buhay ngayong Sabado (Mayo 11) sa "Home Sweetie Home: Extra Sweet."