Libu-libong mga batang estudyante sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagsimula ng panibagong taon sa eskwelahan na buo ang pag-asa at inspiradong mag-aral sa tulong ng proyektong “Gusto Kong Mag-Aral” (GKM) ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) na namigay ng 50,000 na school bag na may nilalaman na kumpletong supplies sa iba’t ibang probinsya mula Enero hanggang Hulyo nitong taon.
“Gusto Kong Mag-Aral” project, patuloy ang paghahatid ng pag-asa
Libu-libong mga batang estudyante sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagsimula ng panibagong taon sa eskwelahan na buo ang pag-asa at inspiradong mag-aral sa tulong ng proyektong “Gusto Kong Mag-Aral” (GKM) ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) na namigay ng 50,000 na school bag na may lamang kumpletong supplies sa iba’t ibang probinsya mula Enero hanggang Hulyo nitong taon.
Dinayo ng GKM ang 27 na probinsya sa bansa, kabilang ang Bulacan at Masbate sa Luzon, Leyte at Iloilo sa Visayas, at Compostela Valley at Sulu sa Mindanao. Bawat bag ay naglalaman ng mga notebook, pencil, ballpen, crayons, sharpener, eraser, at sipol na pwedeng gamitin ng mga bata sa panahon ng peligro.
Inilunsad ang GKM noong 2017 bilang proyekto ng Sagip Kamapilya, ang programa ng AFI na nagbibigay tulong sa mga Kapamilya sa panahon ng sakuna, giyera, o kalamidad. Layunin ng GKM na hikayatin ang mga batang Pilipino na makatapos sa pag-aaral at ibsan ang gastusin ng kanilang mga magulang para sa mga kailangan nilang gamit sa pag-aaral.
Ayon kay Prince Jared Calanduyan, isang grade 2 na estudyante mula sa Bohol, tuwang-tuwa siya noong makakuha ng GKM bag dahil hindi na niya kailangan humingi ng pambili nito sa kanyang magulang. Siya ang pinakamatanda sa limang magkakapatid, at madalas ay hindi siya nakakapasok sa paaralan dahil kailangan niyang tulungan ang nanay at tatay niya na maghanapbuhay. Sa kabila nito, nagagawa pa rin niyang maging honor student.
“Malungkot ako kasi pasukan na wala pa akong gamit. Kaya masaya akong nabigyan ng bag ng Sagip Kapamilya,” aniya.
Ayon naman kay Erika Mallari, isang grade 6 na estudyante mula sa Pampanga, isang malaking pagpapala ang mga bagong gamit para sa paaralan, lalo na matapos masira ang kanilang bahay at kagamitan dahil sa nakaraang paglindol. Nasira rin ang paaralang pinapasukan niya, ngunit nagpupursige pa rin siyang makatapos sa pag-aaral.
“Noong nakita ko po na punit punit po ang mga notebooks ko, halos maiyak po ako. Nawalan po ako ng pag-asa. Pero sinabi lang po sa akin ng magulang ko na pumasok pa rin po ako at huwag gawing hadlang ang nangyari para makapagtapos po ako,” sabi ni Erika.
Sa tatlong taon ng GKM, higit 250,000 na school bag na ang napamigay ng Sagip Kapamilya sa mga estudyante sa buong bansa sa tulong ng mga donor at kapartner na organisasyon ng AFI. Pinipili ng ABS-CBN ang mga eskwelang makakatanggap ng bags sa mga nirekomenda ng Department of Education, o sa mga komunidad na tinutulungan na ng AFI.
Maaari ka ring tumulong sa mga batang nangangailangan sa pamamagitan ng pag-donate sa Sagip Kapamilya. Sa bawat P350.00, makakatanggap na ang isang bata ng Gusto Kong Mag-Aral bag kasama na ang mga gamit para sa eskwelahan. Para sa karagdagan impormasyon, i-follow ang Sagip Kapamilya sa Facebook sa facebook.com/abscbnfoundationinc, sa Instagram at twitter sa @ABSCBNLKFI, o pumunta sa www.abs-cbnfoundation.com. Para sa updates i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram or pumunta abscbn.com/newsroom.