ABS-CBN continues to be recognized abroad for producing world class stories as three of its documentaries were honored in the prestigious 2020 New York Festivals TV and Film Awards.
Patuloy na kinikilala ang ABS-CBN sa ibang bansa sa mahusay na paghahandog ng mga kwento ng Pilipino matapos magwagi ng tatlong medalya sa 2020 New York Festivals TV and Film Awards.
Nasungkit ng programang “Local Legends” ng ABS-CBN DocuCentral ang Silver World Medal para sa kwento nito tungkol sa 74-anyos na artist na si Ric Obenza at kung paano niya inaalay ang buhay sa pangangalaga sa mga kagubatan sa Davao. Panalo rin ang isa pang dokumentaryo ng DocuCentral na pinamagatang “Alab,” tungkol sa tapang at pagkakaisa ng Filipino volunteer firefighters, na nasungkit ang Bronze World Medal sa Heroes category.
Kinumpleto naman ng “Tao Po,” isang episode ng documentary series na “#NoFilter,” ang listahan ng mga nagwagi mula ABS-CBN na nakakuha ng pinakamaraming medalya para sa Pilipinas. Bronze World Medal ang natanggap ng kwento ng premyadong dokumentarista na si Jeff Canoy tungkol sa isang inang nangangalaga sa kanyang anak na may Down Syndrome.
Limang dokumentaryo rin ng ABS-CBN ang naging finalist sa naturang kompetisyon, kabilang na ang “HIV Rising” ni Korina Sanchez-Roxas, “Local Legends: Glass Sculptor” tungkol sa glass artist na si Ramon Orlina, “Invisible,” isang dokyu ukol sa mental health, at dalawa pang dokumentaryo mula kay Canoy---“Ang Babae ng Balangiga” at “Tigdas” para sa isang episode ng “Red Alert.”
Layunin ng New York Festivals Best TV and Film Awards na kilalanin ang pinakamahuhusay na programa mula sa iba’t ibang bansa. Sinuri ng mga batikang broadcast at film executives mula sa buong mundo ang mga nagsipagwagi.
Para sa mga update tungkol sa mga dokyu, i-follow ang @DocuCentral at @NoFilter sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.