BINI’s official launch to air on A2Z and Kapamilya Channel this weekend
Official launch ng BINI, mapapanood sa A2Z at Kapamilya Channel ngayong weekend
Mainit ang pagtanggap ng fans sa palaban at mas confident na BINI dahil humakot agad ng libo-libong views ang music video ng “Born to Win,” ang opisyal na debut single nila na inilabas kasabay ng official launch nila bilang isang girl group noong nakaraang linggo.
Sa ngayon, mayroon nang higit sa 410,000 views sa YouTube ang music video ng “Born to Win” at trending pa rin sa Pilipinas apat na araw pagkatapos itong i-release. Nakakuha rin ito ng higit sa 200,000 views sa loob lamang ng 24 oras.
Ang “Born to Win” ay isang electronic-pop song tungkol sa walang takot na pagharap sa anumang hamon ng buhay. Patok sa fans at inulan ng maraming papuri ang kakaibang music video nito kung saan makikita ang mga miyembrong sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena na kumakanta at sumasayaw suot ang iba’t ibang enggradeng damit.
Patuloy rin sa paggawa ng ingay ang BINI dahil nagtala rin ng higit sa 100,000 views ang live performance nila noong Linggo (Hunyo 13) ng “Born to Win” sa “ASAP Natin ‘To” sa loob ng 24 oras.
Ipinakilala ng BINI ang palabang look at tunog nila sa kanilang opisyal na grand launch bilang grupo sa KTX.PH, na mababalik-balikan ng fans ngayong weekend sa pagpapalabas nito sa A2Z ngayong Sabado (Hunyo 19) ng 4:30 PM at sa Kapamilya Channel ngayong Linggo (Hunyo 20) ng 9:45 PM.
Mapapanood sa launch ang pagrampa ng grupo ang iba’t ibang espesyal na mga disenyo na nilikha ng sikat na Filipino designer na si Francis Libiran at pagpasiklab sa performance nila ng “Da Coconut Nut” at “Born to Win.”
Nagpakitang gilas din ang girls sa iba’t ibang song and dance numbers – sina Gwen at Sheena sa performance nila ng “Tagu-Taguan” ni KZ Tandingan, sina Colet, Jhoanna, at Maloi sa pagbirit nila ng “Biyaya” ni Janine Berdin, at sina Aiah, Stacey, at Mikha sa orihinal nilang kantang “World War C,” na layuning magbigay-inspirasyon sa mga tao ngayong pandemya.
Sa naturang launch, napanood din ng fans ang mga pinagdaanan ng mga miyembro bago mabuo bilang grupo, kabilang na ang puspusang training nila sa ilalim ng Star Hunt Academy ng ABS-CBN.
Maraming pang dapat abangan ang fans ng BINI o BLOOM ngayong taon dahil bukod sa release ng kanilang full debut album at iba’t ibang bersyon ng “Born to Win” sa wikang Japanese, Spanish, Thai, at Bahasa, magkakaroon din sila ng concert kasama ang brother group nilang BGYO.
Abangan ang mga bagong pasabog ng BINI at sundan ang BINI_ph sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok, at mag-subscribe na sa official YouTube channel nilang BINI TV.