Karen, kikilalanin ang dating delivery rider na negosyante na ngayon
Katunog ng isang sikat na fast food chain ang "Violy Bee" pero hindi fried chicken ang kanilang binebenta, kundi mga pang-almusal na nagkakahalaga lamang P7 hanggang P28.
Kikilalanin ni Migs Bustos sina Violy at Melvin Palma, ang mag-asawang senior citizen na may-ari ng kainan na ito sa “My Puhunan” ngayong Sabado (Setyembre 30).
Mula sa halagang P7, nabubusog na nina Nanay Violy at Tatay Melvin ang mga customer dahil makabibili na sa kanilang kainan ng fried rice at ulam na with matching unli sabaw pa. Nagsimula ang mag-asawa sa pagbebenta ng almusal noong 2007 sa harapan ng kanilang tahanan sa Novaliches, Quezon City at ngayon nakapagpundar na ng bahay, nasusuportahan pa ang kanilang pamilya.
Itatampok rin ni Karen Davila si Eman Ramos, ang dating delivery rider na meron nang sariling food stall ng pares at mami ngayon.
Dahil naging “survival food” ang pares at mami ng maraming Pinoy noong kasagsagan ng pandemya, naisipan ni Eman na gawing negosyo. Gamit ang P3,000 puhunan na ayuda ng gobyerno, nagsimulang magbenta sina Eman at kaniyang asawang si Mela sa isang food cart noong 2021 at tinawag itong “Melaman,” pinagsamang pangalan nilang mag-asawa. Nagkaroon na rin ng sariling pwesto ang “Melaman” sa Novaliches, Quezon City.
Dahil sa kanilang sipag at tiyaga, nakapagpundar na sila ng second hand na sasakyan para mabilis nilang naitatakbo sa ospital ang bunsong anak na may kondisyong alpha thalassemia.
Huwag palampasin ang mga kwentong puno ng inspirasyon sa ‘My Puhunan: Kaya Mo!’ kasama sina Karen Davila at Migs Bustos sa bago nitong timeslot tuwing Sabado, 5:00 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, news.abs-cbn.com/live at sa iba pang ABS-CBN News online platforms.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.